NANG binalangkas ang batas na nagtataguyod ng Commission on Elections (Comelec), malinaw ang nakasaad na mandato ng ahensya – tiyakin na tanging ang tinig ng mas nakararami ang mananaig sa tuwing may halalan.
Tampok din sa mandato ng Comelec ang kapangyarihang kumastigo sa mga pulitikong barubal sa batas at mga probisyong nakapaloob sa Omnibus Election Code – mga mandaraya, bumibili ng boto, labis ang gastos sa kampanya, mapanindak, nanggigipit at nananakot sa mga botanteng Pilipino.
Pero sa halip na tugunan ang mga banta sa halalan, tila napagdiskitahan pa ang isang kandidatong ayaw dumalo sa debateng pinangasiwaan ng komisyon. Ang tanong: Bawal bang lumiban sa debate?
Ang totoo, walang probisyong nagbabawal sa mga kandidatong lumiban sa debate ng Comelec. Wala ring nakasaad na probisyong kumakastigo sa ayaw makipagdebate.
Kung ganun, bakit ipinagpipilitan ang pagdalo sa debate kung lilikha lang ng pagkakawatak-watak ng mga Pilipino?
Ang masaklap, lumutang sa paandar ng isang Comelec official ang planong pagkastigo kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa hindi nito pagdalo sa alin mang debate – kesehodang sa Comelec o iba pang media entities.
Target ng naturang opisyal na isulong sa hinaharap ang diskwalipikasyon ng mga kandidatong hindi sisipot sa kanilang pinangangasiwaang debate – bagay na posible lang kung magagawang amyendahan ng Kongreso ang batas na lumikha sa Comelec at maging ang Omnibus Election Code.
Ang siste, pati ang karapatang magpasok ng mga kalatas na kaugnay sa kampanya sa mismong website ng komisyon, nais ding ipagkait ng Comelec kay Marcos?
Susmaryosep!
Hindi maitatangging mandato ng komisyon ang tiyakin ang malinis at maayos na halalan.
Hindi rin maitatangging sila ang siga sa tuwing sasapit ang panahon ng halalan. Subalit wala sa kanilang mandato ang pagpapatupad ng panuntunang sila-sila lang ang may gawa at wala sa batas na lumikha sa nasabing ahensya.
Ang planong pagkastigo kay Marcos dahil sa kanyang hindi pagdalo at ang pagkakait sa dating senador na mabusisi ng publiko ang Comelec website, ay malinaw na paglapastangan sa integridad ng nalalapit na halalan.
Sa halip na pagdiskitahan ang kandidato, mas angkop sigurong tugunan na lang nila ang banta ng dayaan bunsod ng data breach na kinumpirma mismo ng kanilang ahensya.
Dapat din marahil tiyakin muna nilang walang brownout na magaganap sa mismong araw ng halalan hanggang sa matapos ang bilangan lalo pa’t inihayag na ng Department of Energy (DOE) ang posibilidad ng mga power interruption sa pagpasok ng buwan ng Mayo dahil sa patuloy na pagnipis ng suplay ng enerhiya.
Huwag kalimutan – ang dayaan ay karaniwang nagaganap sa gitna ng karimlan.
101