HANGGANG bago tapusin ng House Committee on Legislative Franchises at Committee on Government and Public Accountability nitong Byernes ng hapon ang aplikasyon ng ABS-CBN Corporation sa prangkisa nito, mayroong tatlong pangunahing kontra-argumento na inilabas ang kampo ng naturang kumpanya.
Una, inulit uli ang paninindigang pinatay ang press freedom kung wala nang ABS-CBN.
Bago magsimulang talakayin sa Kamara de Representantes ang prangkisa ng ABS-CBN ay malayang-malayang naibabalita ng ABS-CBN, ng DZMM at ANC Channel ang posisyon ng kumpanyang pag-aari ng mga Lopez ng Iloilo tungkol sa paniniwala nilang wasto at karapat-dapat na bigyan ng karagdagang 25-taon prangkisa ang ABS-CBN Corporation.
Matapos isarado ng National Telecommunications Communication (NTC) ang mga istasyon ng telebisyon at radyo ng ABS-CBN at DZMM sa iba’t ibang panig ng bansa noong Mayo 4, patuloy na naglabas ng pahayag ang ABS-CBN, DZMM gamit ang pangalang “Teleradyo” at ANC Channel hinggil sa pangangailangang magpatuloy ang prangkisa ng ABS-CBN sa susunod na 25 taon.
Habang diniinig sa Kamara ang kaso ng ABS-CBN, napakalaya nilang interbyuhin nang live ang mga kongresista at ilang personaheng magtatanggol sa Kapamilya Network.
Napakalayang magpahayag at mambatikos ng mga politiko at personaheng ininterbyu nang live laban sa mga kongresistang tutol sa panibagong prangkisa ng ABS-CBN.
Maging ang mga artista ng ABS-CBN ay napakalayang upakan ang mga taong tutol na magpatuloy ang operasyon at negosyo ng ABS-CBN hanggang sa taong 2045.
Tapos, patuloy na iwinasiwas at iginiit ng ABS-CBN at mga tagahanga nito na walang press freedom.
Kung hindi kasinungalingan ang deklarasyong walang press freedom, hindi ko alam kung anong konsepto ang tawag sa malayang pamamahayag ng ABS-CBN, DZMM/Teleradyo at ANC Channel.
Ikalawa, napakaliwanaw ng mga dokumentong hawak ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na wala sa 11,000 ang kabuuang bilang ng mga nagtatrabaho sa ABS-CBN.
Ngunit, hindi ko maintindihan kung bakit ubod nang lakas ng loob ng pamunuan ng ABS-CBN at ilang mga kilalang broadcaster ng tatlong kumpanya ng ABS-CBN na panindigan at patuloy na kumbinsihin ang 110 milyong Filipino, kabilang ang 10 milyong overseas Filipino workers (OFWs), na mahigit labing-isang libo ang empleyado ng ABS-CBN Corporation.
Higit kong paniniwalaan ang rekord ng DOLE at BIR na mahigit tatlong libo lang ang empleyado ng ABS-CBN dahil “opisyal” na impormasyon ang ipinasa ng Kapamilya Network sa DOLE at sa BIR.
Hindi ko kayang ipagtanggol ang datos ng pamunuan ng ABS-CBN na mahigit 11,000 ang mga empleyado nito dahil walang matibay na ebidensiyang magpapatunay na totoo ito.
Hindi ko rin ipaglalaban ang desisyon ng ABS-CBN na huwag gawing regular ang libu-libo nitong empleyado, gayong mahigit anim na buwan na silang nagtrabaho sa iba’t ibang departamento at programan ng nasabing kumpanya.
Ang nakasaad sa batas – paggawa ay dapat regular na ang empleyado kapag naka-anim na buwan na siya sa kumpanyang pinapasukan niya.
Siyempre, obligadong sundin at ipatupad ng lahat ng kumpanya sa Pilipinas, kabilang na ang ABS-CBN Corporation, ang nasabing probisyon ng batas – paggawa.
Ang ikatlo at huli ay ang ‘expose’ ni Regina Reyes, hepe ng ABS-CBN’s news division, sa pagdinig ng dalawang komite sa Kamara nitong Hulyo 6 na 69 milyong Filipino ang nawalan ng “access” sa impormasyon o balita at “entertainment” dahil sa pagpapasara ng ABS-CBN noong Mayo 4.
Sobra namang eksahirado ang impormasyong ito ni Reyes.
Kung paniniwalaan natin ang expose ni Reyes, ibig sabihin, sa 110 milyong Filipino ay 69 milyon lang ang nakakaalam na mahigit 55,000 na ang mga Filipino na tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Hindi rin alam ng 69 milyong Filipino na tapos na ang “enhanced community quarantine” (ECQ) sa Luzon.
Wala ring kamuang-muang ang 69 milyong Filipino na ipinalit na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Atty. Harry Roque Jr. kay Atty. Salvador Panelo bilang opisyal na tagapagsalita nito.
Nangagahulugan din na hanggang ngayong Hulyo 12 ay hindi alam ng 69 milyong Filipino na hindi pa rin tinatanggal ni Pangulong Duterte si Francsico Duque III sa Department of Health (DOH) sa kabila ng katiwalian at korapsyong nagaganap sa kagawarang ito ngayong panahong malaki ang problema ng Pilipinas sa COVID-19.
At dahil sarado na nga ang ABS-CBN, malungkot na malungkot ang 69 milyong Filipino dahil mahigit dalawang buwan nang hindi sila nakatitikim ng kaligayahan at kalungkutang hatid ng mga
teleserye ng ABS-CBN. Pokaragat na ‘yan.
BADILLA NGAYON Ni NELSON BADILLA
123