THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
MATAGAL nang problema ang mataas na presyo at kakulangan ng suplay ng kuryente sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa katunayan, maraming residente sa mga probinsya ang umaaray sa laki ng bayarin at madalas na insidente ng mga brownout.
Kaya nga may mga nagsusulong na magkaroon pa tayo ng mas maraming suplay mula sa iba’t ibang mga energy source kagaya ng renewables. Pero ang isa sa talagang napakamatunog ngayon ay ang usapin sa nuclear energy.
May binubuo nang nuclear energy programme ang pamahalaan na naglalayong bigyang linaw kung paano ito magiging epektibo at ligtas na mapakikinabangan sa bansa. Ipinangako rin ng Department of Energy na ilalabas na ang roadmap bago matapos ang taong ito.
Kaisa ng pamahalaan ang mga miyembro ng pribadong sektor sa pagsusulong ng nuclear energy. May kanya-kanya nang inisyatiba ang pinakamalalaking kumpanya sa industriya ng enerhiya para dito.
Bago kasi natin tuluyang mapakinabangan ang nuclear energy, napakarami pang kailangang pagtuunan ng pansin. Ilan dito ang regulasyon, presyo at kaligtasan sa paggamit nito.
Sabi ni Meralco Chairman at CEO na si Manuel V. Pangilinan kamakailan, kailangan ding tutukan ang paglinang ng mga lokal na eksperto na napakahalaga para masigurong magiging maayos ang paggamit ng nuclear energy sa bansa.
Ito ang isang aspeto kung saan nais din ng Meralco na tulungan ang pamahalaan. Kaya sa nakaraang Giga Summit na ginanap nitong lumipas na linggo, inilunsad ng Meralco Power Academy ang programang Filipino Scholars and Interns on Nuclear Engineering o FISSION na magbibigay suporta sa mga Pilipinong nagnanais maging nuclear engineers. Ipadadala sila sa mga kilalang unibersidad sa ibang bansa para mahasa at magkaroon ng sapat na kaalaman at makatulong sa programa ng pamahalaan.
Bahagi rin ng programa ang Re-entry Action Plan kung saan kakailanganin nilang bumalik sa bansa para ibahagi ang kanilang kadalubhasaan sa mga kapwa Pilipino.
Napakarami pa kasing mga kailangang intindihin at unawain bago maisakatuparan ang layuning magamit ang mga nuclear energy para talagang makatulong na masiguro na may sapat na suplay ng kuryente ang bansa.
Layunin ng scholarship program na ito na matugunan ang mga isyung nakakaapekto sa mga inisyatiba ng pamahalaan para sa nuclear energy, kagaya ng kawalan ng mga lokal na eksperto na tututok sa regulasyon at ng mga propesyonal na may sapat na kaalaman at kakayahang bumuo, magpatakbo, at mangasiwa sa teknolohiyang nuclear gaya ng small modular reactor at micro modular reactor.
Ang programang ito ng Meralco Power Academy ay isang konkretong hakbang upang lubos na mapakinabangan natin ang nuclear energy. Tatakbo ang programa mula 2025 hanggang 2027 at bubuksan para sa limang Pilipino na nagtapos ng Mechanical, Electrical, Materials, at Metallurgical Engineering, Physics, at iba pang kaugnay na kurso.
Ilan sa mga tinitingnan unibersidad ng Meralco ang University of California sa Berkeley, University of Illinois, Korea Advanced Institute of Science and Technology, University of Ontario Institute of Technology, at Université Paris–Saclay.
Talagang masusubok din ang mga iskolar bago bumalik sa bansa dahil sasailalim pa sila sa isang taong internship program sa mga pasilidad na may nuclear facilities kagaya ng Atomic Energy of Canada at Ultra Safe Nuclear Corporation.
Angkop lang din na bilang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, na siguruhin ng Meralco ang kahandaan sa paggamit ng nuclear energy sa bansa. At kagaya ng iba pang mga programa, mahalaga rin ang pagtutulungan ng lahat ng ahensya ng pamahalaan, akademya, at mga miyembro ng pribadong sektor upang masigurong mayroong sapat at maaasahang suplay ng kuryente ang bansa sa hinaharap.
460