KORAPSYON SA ISABELA DEDMA SA SENADO

BISTADOR ni RUDY SIM

ANG hangarin sana ng isang taong may malasakit sa kanyang bayan na noo’y kanya nang pinagsilbihan at hanggang sa kasalukuyan, ay nakikipaglaban upang magkaroon ng imbestigasyon at mapanagot ang mga itinuturong matataas na opisyales ng Isabela, na nasa likod ng walang habas na pagsasamantala sa kanilang kapangyarihan, ay tila pinagtatakpan pa ng mga inihalal ng taumbayan sa nakaraang halalan.

Bilang malasakit sa kanyang lupang sinilangan ay mas nanaig pa rin sa dating alkalde ng Angadanan, Isabela na si Manuel “Noli” Siquian Sr. na dinggin ang karaingan ng kanyang mga kababayan patungkol sa talamak umanong korapsyon sa lalawigan na pinapatakbo ng isang angkan ng pulitiko sa ilang dekada na.

Ang pakikipaglaban ni dating Mayor Siquian ay walang halong pulitika kundi masakit para sa kanyang damdamin na makitang nagdurusa pa rin ang mas marami nitong kababayan sa kabila nang lalong pagyaman ng ilang matataas na opisyales ng lokal na pamahalaan.

Ipinarating ni Siquian ang sumbong sa Senado upang ito sana ay agad na maimbestigahan at unang tumugon dito ang tanggapan ni Senador Robin Padilla na inirekomenda ang nasabing sumbong kay Senador Francis Tolentino, na siyang chairman ng Blue Ribbon Committee. Mula sa mga alegasyon ng korapsyon sa Isabela na umaabot sa bilyones, na ninanakaw sa kabang-yaman, ay dapat sanang buksan ng Senado ngunit sa kabila nito ay mayroon pa ring nasisilaw sa kinang ng salapi.

Kahit mayroong sapat na ebidensyang magpapatunay na nagkaroon ng katiwalian sa road projects na nakubra na, ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa ito natatapos. Sino ang mga nakinabang sa bilyones na inilaan ng pamahalaan? Ang maruming kalakaran sa pulitika, kailanman ay hindi na mapuputol kung paulit-ulit na magpapaloko ang taumbayan sa matatamis na pangako ng mga pulitiko sa oras na sila’y manliligaw ng boto sa mga ito.

Sa nalalapit na halalan ay muling lalabas mula sa kanilang lungga ang mga hindoropot na pulitiko upang sila’y muling manatili sa kanilang kapangyarihan at magpatuloy ang kanilang negosyo gamit ang kanilang posisyon, at parang sirang plaka na lamang na asahan natin na ang daan daang milyones na ginasta ng mga ito sa eleksyon ay higit pa sa triple na kanilang babawiin.

Ganito na lamang ba kalakas ang mga pulitiko sa Isabela na maging ang Senado ay kaya nilang patahimikin? Ano na ang nangyari sa pagiging makabayan kuno ni Senador Padilla? Ito kaya ay para lamang isang bida sa pelikula na maganda ang sinasabi sa harap ng camera? Maging ang Office of the Ombudsman, bakit kaya makaraan ang ilang taon nang isinampa ang reklamo ay wala pang gumugulong na imbestigasyon? Ang tanong MAGKANO?

150

Related posts

Leave a Comment