KULANG SA INFO CAMPAIGN

MAYROON na namang nagkulang sa kanilang trabaho na i-educate ang mamamayang Filipino sa kahalagahan ng bakuna lalo na sa COVID-19 vaccine kaya mayorya sa atin ay takot mabakunahan.

Mahigit isang taon na ang COVID-19 na ito na nagsimula sa Wuhan, China noong Nobyembre 2019 at nagdusa ang mga Filipino mula noong

Marso 17, 2020 at mula noon pinag-uusapan na ang bakunang binubuo ng mga pharmaceutical companies sa iba’t ibang bansa,
Oktubre pa lamang noong nakaraang taon, may mga report na may natuklasan nang bakuna sa COVID-19 pero wala pang ginagawang information campaign ang gobyerno lalo na ang Department of Health (DOH) ukol sa kahalagahan ng bakunang ito.

Sa pagdaan ng mga panahon, alam sigurado ng gobyerno ang resulta ng survey na 30% lang sa mga Filipino ang gustong magpabakuna laban sa COVID-19 pero hindi agad isinalya ang information campaign para dito.

May mangilan-ngilang ­government officials na nagsasalita na kailangang magpabakuna pero parang huli na ang lahat dahil nagsalita sila habang kumakalat ang mga report mula sa ibang bansa na may mga taong namatay matapos mabakunahan ng COVID-19 vaccines.

Lalong matatakot ang mga Filipino lalo na’t ang prayoridad na bilhing bakuna noon ay ang gawang China na Sinovac na mababa ang efficacy kaya lalong wala silang planong magpabakuna kung ito ang ituturok sa kanila.

Bilang gobyerno, dapat kinontra agad nila ang paniniwala ng mas nakakaraming Pinoy na mas delikado ang buhay nila kapag sila ay nagpabakuna. Hinayaan nilang mamuo ang takot sa mga tao.

Maraming pera ang pamahalaan dahil umutang nga sila ng P2.78 Trillion para tugunan ang problema sa pandemya at mayroon pa silang koleksyon na buwis na aabot a P2.84 Trillion.

Sa dami ng perang ito, wala man lang nakaisip na ilunsad ang seryosong information campaign para kumbinsihin ang mga tao na magpabakuna at huwag maniwala sa mga haka-haka at walang batayang impormasyon ukol sa bakuna.

Anong ginagawa ng Philippine Information Agency (PIA) ng gobyerno para ikalat ang impormasyon ukol sa kabutihan ng COVID-19 vaccine para makalaya na tayo sa pandemya?

Sa mga bagong prangkisang ibinigay ng Kongreso sa mga mass media network, mayroong libreng airtime na kailangang ilaan nila sa gobyerno para sa information campaign, bakit hindi ginamit at kung ginamit man, bakit walang epekto?

Bakit hindi pinagsalita si Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta na iba ang COVID-19 vaccines sa dengvaxia na kaniyang kinontra dahil sa pagkamatay ng mga tao na nabakunahan noong nakaraang adminsistrasyon ng bakuna laban sa dengue?

Aminin man natin o hindi, nakaapekto ang kontrobersyal sa dengvaxia sa tiwala ng mga tao sa mga bakuna kaya panay ang pakiusap ng DOH sa mga nanay na ipabakuna ang kanilang mga anak laban sa iba’t ibang sakit tulad ng polio, hepatitis at kung ano-ano pa.

Kung ako ang gobyerno, aatasan ko si Persida Acosta na magsalita at mangampanya para kuminbinsihin ang mga tao na magbakuna laban sa COVID-19 baka sakaling maibalik ang tiwala ng mga tao sa bakuna.

Hangga’t hindi nagsasalita si Persida Acosta at ibalik ang tiwala ng publiko sa mga bakuna, kahit huwag na sa dengvaxia, ay marami pa ring ang magdududa sa lahat ng klase ng bakuna. Malay nyo makatulong talaga, di ba?

At malay mo rin baka dahil diyan ay mabubuksan ang daan kay Persida Acosta patungong Senado.

419

Related posts

Leave a Comment