KWARESMA

CLICKBAIT Ni JO BARLIZO

MAHIGIT dalawang sanlibong taon o milenyo nang ginugunita ang Mahal na Araw o Semana Santa.

Ang Mahal na Araw ay ang hulíng linggo ng Kuwaresma at ang linggo bago ang Pasko ng Pagkabuhay. Ginugunita sa linggong ito ang Palaspas, Huwebes Santo, Biyernes Santo, at Sabado de Gloria.

Sa mga Kristiyanong Pilipino, ito ay panahon ng paggunita, pagninilay at pagbabalik-loob sa Panginoong Diyos.

Ipinaaalala sa atin ang paghihirap, pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus para matubos ang kasalanan ng sangkatauhan.

Ang nagawa ni Hesukristo ay walang kahalintulad na sakripisyo, ikinahapis ng kanyang inang si Birhen Maria, ngunit hindi pinahalagahan ng nakararami nang panahong ‘yun, at ngayon ay ginugunita subalit hindi isinasapuso, inuukit sa isipan, at isinasadiwa ang tunay na dahilan.

Kadalasan ay nakatuon ang tao sa tradisyon sa paggunita ng Mahal na Araw, at sa paglipas ng panahon ay nagbabago ang mga tradisyon. Higit na pinahahalagahan ngayon ang kasiyahan.

Nawawala ang saysay dahil kapag naisip ang Semana Santa ay bumubulaga sa isip ang bakasyon at araw para magpahinga at magsaya.

Sa isang banda, hindi naman natin masisisi ang tao kung bakit iyon ang mga unang naiisip sa ganitong panahon. Sa sobrang hirap kumayod para may makain ang pamilya, mistula na ring araw-araw nagpepenitensiya tayong mga Pinoy. Ano nga ba naman kung isabay na ang pagpapahinga at bakasyon kapag Mahal na Araw.

****

Kailangan bang sundin at gawin ang mga tradisyon ng Semana Santa?

Ang mensahe ni Archbishop Socrates Villegas ay akma at isang inspirasyon at gabay sa paraan ng pagsasabuhay at pagsasadula ng mga tradisyon.

Ayon sa arsobispo, ang Mahal na Araw ay tungkol sa ginawa ni Hesus para sa sangkatauhan kaya ngayong Holy Week ay pasalamatan ang Diyos. Ito ay hindi tungkol sa kung ano ang dapat gawin ng Katoliko. Hindi ito hinggil sa tradisyon at banal na gawi upang makaramdam ng kasiyahan.

Aniya, maganda ang pag-aayuno, ngunit kung walang malasakit sa iba, ito ay walang saysay.

Mabuti ang pagtulong sa mahirap at paglilimos, pero hindi dapat na pakitang-tao ang intensyon.

Kailangan bang hagupitin ang sariling likod hanggang dumugo para ipakita ang pagsisisi sa nagawang kasalanan? Sa halip na patuluin ang dugo sa kalye ay mas mainam na ibigay ito sa opisina ng Red Cross. Piliing ibahagi ang buhay at dugo.

Hindi na kailangang maglakad nang walang sapin ang mga paa bilang uri ng penitensiya. Mas kahanga-hangang bumili ng tsinelas at ibigay sa batang nag-aaral na sira at butas na ang sapatilyas.

Huwag magmukmok, malungkot ngayong Holy Week. Nagsisimula ang pag-ibig sa isang ngiti. Iparamdam ang pagmamahal. Sa pamamagitan ng ngiti, ipakita na ang Diyos ay pag-ibig.

Tama si Archbishop Villegas. Ang linggong ito ay sagrado. Kahit pag-ibig lang, tayo ay magiging banal.

****

Siguro naman, hindi magiging bitin ang selebrasyon at bakasyon ng mga nagtatrabaho sa mga opisina ng gobyerno ngayong Holy Week.

Bukod nga silang pinagpala sa panahong ginugunita ang mga hirap, pasakit at sakripisyo hanggang kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus Christ.

Mahaba na nga ang weekend na magsisimula ng Abril 6-10 ay half day pa ang trabaho sa Abril 5.

Idineklara ng Malakanyang na half day ang pasok sa mga opisina ng pamahalaan para bigyan ng sapat na panahon ang mga kawani na bumiyahe sa iba’t ibang rehiyon.

Ngunit, pagkakataon ba ito para sa maayos na pag-obserba ng mga kawani sa regular na holiday na Huwebes at Biyernes Santo?

Sabagay, bakasyon din lang naman ang hanap, eh dapat lubos-lubos na.

Sarap buhay nila, ano? Sigurado na ang suweldo, sa hapi-hapi pa ang diretso.

Ayan, selebrasyon naman sa iba ang Holy Week. Kaya iba’t ibang paraan ang inaalam para masulit ng mga “bakasyunista” ang “holyday”.

Laging nataon sa tag-init ang Holy Week, ngunit sa ibang kasiyahan at umpukan ay hindi nawawala ang laklakan.

Iba raw kasi ang usapan pag nasa harap ng bumubulusok na bote.

Kahit pa may paalala ang isang eksperto na iwasan muna ngayong tag-init ang alak.

Sabagay, sabi nga drink moderately, pero pag nagkasarapan, tuloy ang tomaan.

Paalala lang, hindi sa nais namin na kayo’y sawayin at pagbawalan, ngunit yaring alak ay mahirap patumbahin.

‘Yung basyong bote, puwede.

 

457

Related posts

Leave a Comment