LAGAYAN SA LTFRB SUMINGAW

PUNA ni JOEL O. AMONGO

INIHAHANDA ngayon ang mga dokumento ng Manibela Transport Group upang sampahan ng kasong katiwalian ang ilang mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos ibulgar ni Jeff Gallos Tumbado ang lagayan sa nasabing ahensya.

Ayon kay Mar Balbuena, sinabi raw umano ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III kay Tumbado na dating information team head ng tanggapan, na humihingi ang ahensya ng P5 million para sa pagproseso ng franchise, special permit, o modification of route.

Ang halagang limang milyong piso na ito ay idinedeliber diumano ni Chairman Guadiz kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista.

Ayon kay Balbuena, ang P5 million na ito ay pampapogi sa Malakanyang para hindi maalis sa LTFRB si Guadiz.

Bukod sa P5 million, nabulgar din na may quota ang bawat regional director ng LTFRB na P2 million kada buwan.

Dahil dito, hindi bababa sa P30 million ang umaakyat na pera sa tanggapan ng LTFRB chairman.

Kaya ang grupo ng Manibela ay naghahanda na ng kasong katiwalian sa Office of the Ombudsman laban kina Guadiz at iba pa.

Ang grupong Manibela ay nagsagawa ng press conference sa Quezon City kamakalawa kasama si Tumbado na hindi naman direktang tinukoy ang mga pangalan ng mga nasasangkot sa katiwalian.

Nauna nang lumabas sa mga balita na kaya umano sinibak si Tumbado sa LTFRB dahil ito umano ang nasasangkot sa katiwalian sa nasabing ahensya ng pamahalaan.

Nangangamba naman si Tumbado sa seguridad ng kanyang pamilya matapos niyang ibulgar ang katiwalian sa LTFRB.

Sa pinakahuli nating pagkakaalam ay inalis na sa kanyag pwesto itong si Chairman Guadiz dahil sa umano’y alegasyon ng katiwalian sa kanyang opisina (LTFRB).

Nauna nang may natanggap tayong sumbong hinggil sa katiwalian sa tanggapang ito, subalit hindi natin nabibigyan ng pansin dahil puro alegasyon lamang at walang kaukulang mga dokumento ang nag-aakusa.

Abangan natin ang isasampang kaso ng grupong Manibela laban sa mga opisyal ng LTFRB na kanilang inaakusahang sangkot sa katiwalian.

Ang mga personalidad na nabanggit natin sa ating panulat na ito ay sinikap nating bigyan ng pagkakataon na mailabas ang kanilang panig subalit hindi natin sila makontak.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, maaaring mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

210

Related posts

Leave a Comment