Sa kabila ng pagmamayabang ng economic managers ng ating bansa sa idudulot na kaunlaran ng Rice Tariffication Law, sa aktwal, maraming magsasaka pa ang lalong naghirap dahil sa batas na ito. Nilulubog sa utang ng batas na ito ang maraming magsasaka.
Ang Rice Tariffication Law ang naging tugon ng pamahalaan sa krisis sa bigas na kinakaharap ng Pilipinas taun-taon. Ang ginawa ng Rice Tariffication Law ay liberalization ng bigas, ibig sabihin, ito ay pagpayag ng pagpapasok ng mga bigas galing sa ibang bansa. Para sa mga magsasaka, ito ay tuluyang papatay sa lokal na produksyon ng palay at bigas, na tiyak na hindi makakasabay sa malakihan at industriyalisadong produksyon sa ibang bansa. Kabalintunaan ito ng ating pinaglalaban na suporta sa mga magsasaka para sa mas mataas na produksyon at mas mababang presyo.
Ang naging dulot umano nito ay ang pagbaba ng inflation rate, na pumalo sa 0.9% ngayong Setyembre. Ngunit, sa katotohanan, ito ay panibagong pagtaas ng presyo. Hindi pa nga tayo nakakabawi sa napakalaking inflation rate na 6.7% noong nakaraang taon, ay may panibagong pagtaas na naman sa antas na 0.9%.
Ang nais ng mga konsumer ay ang pagbaba ng presyo, hindi lamang sa tantos ng implasyon. Kahit pa 0% ang inflation rate, hindi pa rin ito ang pagbaba ng presyo. Wala lamang price increase, ngunit ang presyo ay papataas pa rin. Para sa marami nating kababayan, nananatiling hindi abot-kaya ang presyo ng bilihin at bayarin sa ating bansa.
Kaya naman itinutulak ng Bayan Muna ang pagtaas ng sahod, upang makasabay sa papataas na gastos sa araw-araw. Walang dapat ipagyabang ang pamahalaan sa itinatakbo ng ekonomiya at sa kalagayan ng mamamayan nito. Nanatiling batbat ng krisis ang ating bansa, at hindi sapat ang tinutugon ng ating pamahalaan sa mga problema ng ating bayan. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
122