THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
AABOT sa 2.3 milyong biyahero ang inaasahang daragsa ngayong holiday season sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaya naman bago pa man dumating ang mga araw ng peak travel, marami nang paghahandang ginawa para masigurong ligtas at komportable ang mga gagamit ng mga pasilidad ng paliparan.
Sa pahayag nitong nakaraang araw, sinabi ng New NAIA Infra Corp. o NNIC, ang bagong operator ng paliparan, na mas maraming pasahero ang inaasahan mula Disyembre 20 hanggang Enero 3 kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Importante ang panahong ito para makapaglaan ng oras kasama ang mga mahal sa buhay, kabilang ang mga pamilya at kaibigan.
Kaya nga talaga namang nagpursige ang NNIC na gawing mas maganda at maayos ang karanasan ng mga gagamit ng paliparan, kahit na ilang buwan pa lamang mula ng mag-take over ito sa operasyon ng NAIA.
Siyempre, hindi naman kakayanin ‘yan ng NNIC lamang kaya kasama na rin diyan ang koordinasyon sa iba pang stakeholders kagaya ng mga ahensya ng pamahalaan at mga airline. Kaya kasama sa siniguro ng NNIC na may sapat na check-in counters at mas maaga magbubukas ang mga ito para mabawasan ang oras ng paghihintay kahit na dagsa ang mga tao sa paliparan.
Para sa mga madalas bumibiyahe, o nakasanayan nang lumipad kapag ganitong panahon – magandang balita talaga ang mga ginagawang improvements ng NNIC. Kasama na riyan ‘yung pagkakaroon ng centralized transport hub sa terminal 3, pag-aayos ng airconditioning systems, pagdaragdag ng mga upuan at trolleys, at paglalagay ng mas mabilis na WIFI services para sa mga gumagamit ng paliparan.
Mga simpleng bagay kung tutuusin, pero para sa isang biyahero, makababawas alalahanin ang mga ganitong pagpapabuti ng pasilidad at serbisyo.
Marami pang mga bagay na planong gawin ang NNIC para mas mapaganda pa ang airport, at mas maging kaaya-aya ang karanasan ng mga gumagamit nito. Kaya naman nakae-excite talaga, kasi kilala ang paliparan natin sa mga reklamo at problema.
Bahagi ito ng mas malaking layuning gawing world-class ang NAIA kaya naman kaliwa’t kanan ang ginagawang mga proyekto para makamit ito – kagaya ng kasunduan kasama ang Meralco, ang distribyutor ng kuryente sa Metro Manila.
Pormal na inilahad ng NNIC at Meralco kamakailan ang pagtutulungan para sa modernisasyon ng NAIA, na nakaranas din ng ilang mga antala ng serbisyo ng kuryente na nakaapekto sa mga pasahero. At siyempre, wala na siguradong gustong maulit pa ang matinding outage sa NAIA naganap noong Enero 1, 2023.
Kaya isa pang magandang balita itong inisyatiba ng NNIC at Meralco na magsisigurong may sapat, maayos at maaasahang serbisyo ng kuryente hindi lamang sa kasalukuyan, kundi siyempre sa hinaharap kung kailan mas mararamdaman pa ang mga proyekto na mas magpapaganda ng operasyon ng paliparan.
Kaya naman magtatayo ng bagong state-of-the art substation ang Meralco para masiguro ang maaasahang serbisyo ng kuryente sa apat na terminal ng paliparan. Makadar1agdag ito sa existing NAIA-3 substation ng Meralco, at magsisigurong mayroong kakayahan na matugunan ang lumalaking pangangailangan sa kuryente ng paliparan. Nakatakdang magsimula ang konstruksyon ng bagong substation sa susunod na taon.
Bukod pa riyan, magtutulungan din ang Meralco at NNIC para sa underground power distribution system at ang MSERV naman, na isang kumpanya sa ilalim ng Meralco, ang maglalagay ng uninterrupted power supply o UPS system na magsisiguro ng tuluy-tuloy na power supply para sa mga kritikal na operasyon ng paliparan at magpapalakas sa resilience ng imprastraktura.
Sigurado, marami pang plano ang NNIC para sa NAIA na kailangan natin lahat suportahan, dahil sa bandang huli, tayo rin namang mga gumagamit ng paliparan ang makikinabang dito. Bukod pa riyan, anomang pagpapabuting ginagawa ay siguradong sumisimbulo sa inobasyon at magdadala ng progreso sa ating bansa.
2