LIGTAS AT MAAYOS NA PAGDIRIWANG NG NAZARENO 2024

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

MATAPOS ang tatlong taon, ibinalik na ngayong 2024 ang tradisyunal na pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno – na inaabangan ng mga deboto at pinaghahandaan naman ng mga awtoridad.

Nitong nakaraang Sabado, nagsimula na rin ang ‘pahalik’ sa Nazareno sa Quirino Grandstand at sa araw ng kapistahan bukas, Enero 9, magbabalik ang Traslacion o ang prusisyon na magdadala pabalik sa simbahan ng Quiapo.

Huling isinagawa ang Traslacion noong 2020 at tumagal ito ng 16 na oras, sinasabing isa na sa pinakamabilis na prusisyon para sa Poon.

Katulad ng mga nakaraang taon, inaasahang dadagsain ito ng milyun-milyong deboto na may kani-kanilang dalang panalangin, at kwentong milagro na nagpapatatag ng kanilang paniniwala at pananampalataya sa Nazareno.

Bagama’t karapatan naman nating lahat ang mamili ng ating paniniwalaan, mayroon ding ilang kritiko na tinatawag ang mga deboto na mga panatiko – na hindi naman iniinda ng marami dahil nga kanya kanya naman itong paniniwalang at wala namang pilitan.

Pero hindi natin maipagkakaila na para sa marami, nagbibigay ito ng katuparan sa mga panalangin at mas matindi pang pananalig.

Nakabibilib ang mga deboto sa totoo lang dahil talagang hindi nila iniinda ang kawalan ng tulog, ang gutom, at maging ang matinding init na nararanasan sa Traslacion para makasama sila sa paghahatid ng 400-taong imahe ng Nazareno.

Ayon sa pamunuan ng simbahan ng Quiapo, papayagan lamang ang mga debotong hawakan at punasan ang imahe ng Nazareno – isang practice na pinaniniwalaang magdudulot ng paggaling o milagro.

At dahil nga mahalaga ito sa napakaraming Pilipino, puspusan ang pagsigurong magiging maayos ang paggunitang ito.

Naglabas na rin ang pamunuan ng simbahan ng Quiapo ng ilang paalala para maiwasang may masaktan o magkaroon ng aksidente sa gitna ng prusisyon.

Ilan dito ang paalalang bawal akyatin ang andas ng Itim na Nazareno na ginagawa noong nakaraang mga pagdiriwang. Ipinasilip na rin ng simbahan kamakailan ang disenyo ng karwaheng natatakpan ng makapal na tempered glass.

Makabubuti kung iiwasang magdala ng marami at malalaking gamit. Kailangan ding gumamit ng face mask at mag-obserba ng social distancing para sa mga dadalo sa banal na misa.

Sisikapin din ng simbahan na limitahan sa 750 na katao ang pwedeng pumasok sa basilica, at nasa 3,000 naman ang papayagan sa labas.

Nauna nang nagsabi ang Philippine National Police o PNP na nasa 15,000 na pulisya ang naka-deploy sa kasagsagan ng pagdiriwang – pero nakahanda rin silang dagdagan ito kung kinakailangan.

Magpapatupad din ng “no-fly zone” sa kasagsagan ng Traslacion, at mga awtoridad lamang ang pahihintulutang gumamit ng drones.

Sisiguraduhin din ng kapulisan na walang makikitang kahit anong banta sa seguridad bukas pero magiging handa pa rin ang lahat para masigurong mabibigyan ng assistance ang mga deboto. Magkakaroon din ng medical stations para sa emergencies.

Kaisa rin ang Meralco sa pagsigurong magiging ligtas at mapayapa ang pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno.

Noong nakaraang buwan, nagsagawa ang Meralco ng wire clearing operations sa ruta na daraanan ng prusisyon. Kasama sa aktibidad na ito ang pagsasaayos ng mga sala-salabat na kable sa mga poste ng Meralco, at pagtanggal ng mga iligal na koneksyon o mga kableng nakakabit sa mga pasilidad ng kumpanya na walang permit.

Bahagi ito ng paghahandang ginawa ng Meralco at pamahalaan ng Lungsod ng Maynila. Nagkaroon din ng walkthrough ang mga organizer sa nasabing ruta at nanawagan na rin ang mga awtoridad sa mga publiko na maging handa at maingat.

Para sa mga deboto, nawa’y maging maayos, ligtas, sagrado at mapayapa ang gaganaping pagdiriwang at paggunita para sa okasyong ito.

538

Related posts

Leave a Comment