MAAGAPAN SANA NG DEPED PAGSIBAT NG MGA GURO

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

IKINAALARMA ng Department of Education (DepEd) ang napaulat na exodus ng mga guro para mangibang-bansa, na magdaragdag sa kakulangan ng mga titser sa bansa.

Dahil dito, binuo ang Education cluster, na inanunsyo mismo ni President Ferdinand Marcos Jr.

“I’ve greenlit the creation of an Education Cluster to develop a common agenda, ensuring that the Department of Education, Commission on Higher Education (CHEd) and the Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) unite to close learning gaps and drive much-needed reforms in our education system,” sabi ng Pangulo sa kanyang Facebook account kamakailan.

Ayon kay Education Secretary Juan Edgardo Angara, nauunawaan ni Marcos ang agarang pagtugon sa malubhang problema sa sektor ng edukasyon.

Ang cluster ay bubuuin ng DepEd, CHEd, Tesda, Department of Labor and Employment, at ng Department of Budget and Management. Magiging parte ng technical working groups ang Department of Social Welfare and Development.

Nakababahala talaga ang napaulat na pag-alis ng mga guro. Hindi lang pala nagsimula sa study tours ang pangingibang-bansa ng gurong Pinoy dahil marami na rin daw ang nagbitiw para tanggapin ang alok sa ibang mga bansa.

May mga eskwelahan sa ibang bansa na nag-iimbita umano sa mga Pilipinong guro para sa tinatawag na study tours, ngunit karamihan sa mga inimbitahan ay hindi na bumabalik.

Ito ay nagpapakita lamang na marami at maganda ang mga oportunidad sa ibayong dagat kumpara sa Pilipinas. Kahit seryosohin ng administrasyon ang problemang idudulot ng exodus ng mga guro ay hindi garantisadong mabibigyan ito ng lunas.

Nasa tabi lang ang ugat na mga dahilan. Napipilitang mangibang-bansa ang mga titser dahil sa mababang suweldo, mahirap at mabigat na trabaho, mabagal kundi man wala ang pag-usad ng career, at ang ekonomiya.

Bakit nga ba umaalis ang mga teacher para mag-abroad?

Ito ang tanong na gabay para matukoy ang talagang ugat, at malaman ano ang mga planong ilalatag.

Mahirap pigilan ang mga guro sa kanilang pasyang mangibang-bansa kung ang hangarin nila ay magkaroon ng magandang sahod, benepisyo at oportunidad na umusad ang kanilang career na magbibigay sa kanila ng ginhawa.

Kailangang agapan ng pamahalaan ang masamang epekto ng exodus ng mga guro sa kalagayan ng edukasyon sa bansa.

Marami ngang nag-aabang na mga titser na makapagturo sa pampublikong paaralan pero hindi makapasok. Ibig sabihin, umaapaw sa dami ang mga pasadong guro na ibang trabaho ang pinasukan, habang ang iba ay nakatambay na lamang.

Ayon kay Rep. France Castro ng ACT Teachers Party-list, mahigit 20,000 bakanteng posisyon para sa mga guro sa basic education, bukod pa sa higit 2,000 bakanteng mas mataas na posisyon at sobra sa 9,000 na non-teaching personnel na mga posisyon.

Pero ayon sa DepEd, 9% ng mga bakanteng posisyon ay napunan na at 22% ay nasa yugto ng appointment.

Inaasahang mapupunan ang lahat ng bakanteng posisyon bago matapos ang Agosto. Kahit mapunan pa mga bakanteng posisyon hindi rin tiyak na hindi na kukulangin ng guro dahil may mga nag-aabroad pa rin.

Ayon sa DepEd, ang bilang ng public school teachers noong school year 2020-2021 ay 876,842. Nasa 514,099 ang grade school teachers, 288,687 sa junior high school, at 74,056 ang nagtuturo sa senior high.

Para maabot ang ideyal na 35 students kada klase, ang DepEd ay kailangang kumuha ng 25,000 guro kada taon hanggang 2028, ayon kay Alliance of Concerned Teachers chair Vladimir Quetua.

‘Di ba, ipinagmalaki ni PBBM sa kanyang SONA na nakatuon ang pamahalaan sa pagsuporta sa mga guro ng pampublikong paaralan at naglaan ito ng pondo para sa landas ng kanilang career?

Sa sistemang ito, wala na raw titser na magreretiro na Teacher 1 lamang. Kaso lang, baka wala ngang magreretiro dahil nagsialisan na.

43

Related posts

Leave a Comment