MAG-AALSA PA RIN MGA TSUPER

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MAY preno na ang serye ng oil price hike.

Matapos ang labing-isang linggong sunod-sunod na pagtaas ng presyo sa mga produktong petrolyo, inaasahang bababa na raw ito ngayong linggo.

Para sa diesel, inaasahan ang mula P0.20 hanggang P0.40 bawas kada litro at ang gasolina ay inaasahan na bababa rin mula P0.20 hanggang P0.40 kada litro. Bababa rin ang kerosene mula P0.50 hanggang P0.70 kada litro.

Patikim lang ito o umpisa na ng sunod-sunod na rollback?

Sakaling magkatotoo ang rollback at mitsa na ito ng diretsong pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo ay masasabi na good news nga ito.

Sa P17.50 na kabuuang taas-presyo ng diesel dahil sa 11 sunod-sunod na linggong pagtaas ng presyo ay wala nang kinikita ang mga driver, na ang iba ay halos magdamag na kung pumasada.

Nasa mahigit P500 kasi ang nawawala sa kanilang kita kada araw kaya kailangan nilang dumiskarte ng ibang pagkakakitaan.

Gayunman, ang bahagyang rollback sa presyo ng langis ay hindi magpapahinto sa plano ng ilang transport groups na magsagawa ng tatlong araw na tigil-pasada. Posibleng magkasa sila ng tatlong araw na tigil-pasada kung sasampa ng P80 kada litro ang presyo ng diesel.

Pero ang talagang mag-uudyok sa kanila para ituloy ang tigil-biyahe ay ang hiling nilang tanggalin ang excise tax sa mga produktong petrolyo.

Magpalabas din kaya si PMJr. ng EO na magtatanggal ng excise tax sa langis? Tatlong araw na strike ang banta ng mga tsuper kapag dinedma ang hinihingi nila.

Baka ang ipatupad ay price cap. Nalintikan na.

Eto pa, bumubusina pa rin ang hirit ng transport group na taasan ng P5 ang minimum na pasahe sa public utility vehicles (PUVs) sa bansa.

Nakatakda nang dinggin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bukas, Setyembre 26, ang nasabing petisyon.

Maligayang pagdating sa Bagong Pilipinas, na ang karamihan ay dumaraing.

Heto ang isa pang balita ng pagtaas. Ang taas-presyo na inaabangan sa sardinas na delata.

Susme, ang sinasabing pagkain ng mahihirap at regular na kasama sa relief goods na ipinamamahagi tuwing may kalamidad ay magkakaroon din ng patong sa presyo?

Hiling ng mga manufacturer ang pagtaas ng presyo ng sardinas na delata dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis at hirap sa pangingisda sa bansa.

Panahon na raw para magtaas sila ng presyo dahil apektado ang produksyon ng sardinas noon pang panahon ng pandemya dahil sa lockdowns at social distancing.

Nagpatong-patong na rin ang problema sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo pati ang hirap na mangisda sa karagatan ng Pilipinas.

Ayon kay Canned Sardines Association of the Philippines executive director Francisco Buencamino, ang fuel ay major cost sa kanila sapagkat nanghuhuli sila ng sardinas sa pamamagitan ng sasakyan pandagat na gumagamit ng fuel.

Tama nga naman siya na hindi kailangang lumangoy para makahuli ng isda.

Naglalaro sa P3 ang hinihiling na taas-presyo sa sardinas sa Department of Trade and Industry. Pagbabalik lang daw ito sa dapat na presyo ng sardinas matapos magkaroon ng price cap.

Ang SRP o suggested retail price ngayon ng sardinas ay wala pang P19.

Taas dito, taas doon pero ang sahod at oportunidad na kumita ay manipis. Nakapagtataka pa ba kung bakit bumubulusok ang ratings ng Marcos-Duterte tandem?

212

Related posts

Leave a Comment