MAGULANG, ANAK AT KALUSUGANG PANG-ISIP

Psychtalk

Nitong Sabado, naging isa ako sa tagapagsalita sa isang forum tungkol sa pangangalaga at pagpapatatag ng kalusugang pang-isip ng mga mag-aaral sa pamantasang pinagtuturuan ko.

Ang mga dumalo ay ang mga opisyales at kasapi ng organisasyon ng mga magulang.

Nakakatuwang isipin na sa araw na sanay nagpapahinga ang mga magulang pagkatapos ng isang linggong paghahanapbuhay ay pinili nilang makibahagi sa aktibidad na magtataguyod ng kapakanan ng kanilang mga anak kahit ang mga ito’y nasa kolehiyo na. Nagpapatunay ito kung gaano kasidhi ang hangarin ng bawat isa na patatagin lalo ang kalusugan  ng isip ng mga kabataan.

Dapat lamang lalo na’t batay sa mga estadistika,  marami na ngayong mga hamon sa kalusugan sa isipan ng mga kabataan.

Ayon nga sa World Health Organization at kahit mga datos galing sa mga lokal na pananaliksik, patuloy na tumataas ang insidente ng depresyon, pagpa­pa­kamatay, anxiety, violence, bullying at iba pang kondisyon sa mga kabataan.

Kung tinitingnan ang ka­sa­lukuyang panahon, masasabing dulot ito ng masalimuot na interaksiyon ng ibat’t ibang salik panlipunan, biolohikal at sikolohikal na nakapaikot sa buhay ng mga kabataan.

Labis na yata kasing naging kumplikado ang buhay ng kasalukuyang panahon na ‘pag ‘di ka matatag ay malamang sa hindi, madali kang maigugupo ng mga hamon ng buhay.

Bilang magulang, naranasan ko rin kung paano ang aking anak na bagabagin noong nahirapan siyang umangkop sa academic demands at pressures sa State U na pinasukan niya. Lalo na nang mula sa pagiging president’s lister ay naging dean’s lister na lang.

Ilang beses siyang nadadala sa infirmary dahil sa hyperventilation sa mga pa­nahong patung-patong na ang mga school requirements.

Noong nasa law school na siya, nagulat ako nang minsang tawagan niya ako at umiiyak siya habang sinasabi niyang parang gusto na niyang magpakamatay. ‘Yun pala natatakot siyang magsabi sa akin na mukhang tagilid siya sa isang subject at baka ‘di makatapos on time. Mabuti na lang sa huli, ay nakapasa naman.

Sa mga sitwasyong ito, masasabi kong  ­nakatulong sa kanya noon ang sinabi ko na “anak, hindi ko kailangang magtapos ka ng may medalya, mas gugustuhin kong makita kang buhay at nag-e-enjoy sa iyong buhay akademiko kaysa mga Latin Honors.”

Mula noon mas nag-relax siya at nagpakasaya sa mga aktibidad sa kanyang dorm at iba pang extra-curricular activities. Isa na siyang lawyer ngayon.

Maraming hamon ang buhay ngayon—sa mga magulang man, o sa mga anak. Kaya’t magandang balita na sa pagdating ng Mental Health Law mas sistematiko nang makagagalaw ang mga institusyon gaya ng mga paaralan para sa patuloy na pagpapatatag ng kalusugang pang-isip ng mga primary stake­holders—ang mga kabataan na ­siyang tinaguriang “pag-asa ng bayan” at mga magulang nila na siyang pangunahin nilang sandigan. (Psychtalk /EVANGELINE C. RUGA, PhD)

107

Related posts

Leave a Comment