MALILIIT NA MAGBABABOY UMAARAY SA BUMABAHANG IMPORTED PORK

POINT OF VIEW

Umaaray ngayon ang mga maliliit na magsasaka ng baboy sa bansa dahil sa pagbaha ng mga imported na karne nito sa ating bansa.

Naging sanhi ito sa pagbagsak ng farmgate price ng baboy sa bansa na nagkakahalaga na lamang ng P110 per kilo na umano’y parang balik puhunan lamang o lugi pa sila rito.

Ayon sa grupong Samahan ng Industriya ng Agrikultura (SINAG) labis na nakakaapekto sa mga maliit na magbababoy o yaong tinatawag na “backyard hog raisers” ang sobra-sobrang suplay ng imported na karne ng baboy kaya nagbabanta na umano ang ilan sa mga ito na tumigil na lamang sa pag-aalaga kung magtuluy-tuloy ang isasagawang importasyon ng gobyerno.

Batay umano sa kanilang datos noong 2018, ang lokal na produksyon ng karneng baboy ay umabot sa 2.3 bilyon kilos habang ang imported ay 392 milyon kilos kaya nagkaroon tayo ng kabuuang 2.7 bilyong kilos na suplay habang ang demand ay 1.5 bilyon kilos lamang noong 2018. Ito ay nangangahulugan na may surplus ang bansa ng 1.2 bilyon kilos ng karne ng baboy na ayon sa SINAG ay sapat pang suplay para sa loob ng siyam na buwan.

Kaya nakikiusap ang mga lokal na magbababoy sa Department of Agriculture (DA) na suspendihin muna ang importasyon hanggang mag-stabilize ang suplay nito.

Tumatanggi ang DA sa pamamagitan ni Assistant Secretary Jocelyn Salvador head ng DA-Bureau of Animal Industry sa kahilingan ng mga magsasaka dahil hindi raw basta-basta lamang itigil ang pagpapalabas ng gobyerno ng sanitary and phytosanitary (SPS) import clearance sa nasabing commodities dahil na rin sa umiiral na free trade maliban kung may kaakibat na mga health issues gaya sa pagkakaroon ng African Swine Flu (ASF) ang baboy sa mga bansa na pinagkukunan nito.

Ang maaari lamang nilang magawa ay pabagalin ang paglalabas ng SPS na kung dati ay sa loob lamang ng dalawang araw, ngayon patatagalin nila sa loob ng isang linggo.

Naunang napaulat na ang Pilipinas ay posibleng mag-import ngayong 2019 ng 300,000 metric tons ng karne ng baboy para mapunan ang kakulangan ng suplay nito sa bansa.

Sana ikonsidera ng gobyerno ang nasabing kahilingan ng ating mga lokal na magsasaka, dapat silang protektahan na kung maaari ay bawasan ang pag-aangkat nito o baka bigyan sila ng suporta upang higit pang madagdagan ang kanilang produksiyon para mapunan na ang sinasabing kakulangan kaysa umangkat pa.

Kasi minsan hindi naman nasusunod ang mga itinatakdang dami ng mga aangkating produkto dahil aminin man natin o hindi, hindi naalis ang may mga pinapaboran o pagpapalusot.

Isa pa mas malaki ang kinikita sa pag-iimporta ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno kaya hindi maalis na mag-iisip ng masama ang ilan sa ating mga kababayan.

Mapipilitan na tayong bumili ng mas mataas na halaga ng karneng baboy mula sa ibang bansa kung totohanin ng mga lokal na magbababoy ang nasabing banta. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

114

Related posts

Leave a Comment