MAPAIT NA ASUKAL, NABUKING NI ES VIC RODRIGUEZ

BISTADOR Ni RUDY SIM

TILA ayaw tumigil ng ilang grupong nasa likod ng demolition job, na sirain ang tiwala at kredibilidad ni Executive ­Secretary Atty. Vic Rodriguez kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngunit sa huli ay nabigo ang mga ito at agad na ipinagtanggol ng Palasyo si Rodriguez at sinabing huwag kaladkarin ang pangalan nito sa mga bagay na wala siyang kinalaman.

Nilinaw ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na mismong si ES Rodriguez ang nakadiskubre sa ilegal na sugar importation order at agad niya itong ipinaalam kay PBBM taliwas sa malisyosong tsismis na ipinakakalat ng ilang grupong nabigong makakuha ng government position, na si ­Rodriguez ang nasa likod nito.

Inamin ng Palasyo na iniutos ni ES Rodriguez na magkaroon ng importation plan na legal at ating kailangan upang pag-aralan ang kanilang mungkahi na matugunan ang kakulangan sa asukal ng bansa. Ang ilegal ay ang magpasa ng resolution na walang basbas ng pangulo kagaya ng nangyari kung saan ikinagulat ni Rodriguez ang agad na paglabas ng importation order na walang alam si PBBM.

Nitong nakaraang buwan lamang ay isang fake news at malisyosong paratang ang ipina­kalat ng isang religious group na kasama umano si Rodriguez sa mga nangingikil ng P100M upang magkaroon ng government position, na isang malaking kasinu­ngalingan at kabaliktaran.

Sa nagdaang administrasyon ni PRRD ay isang position sa Bureau of Immigration (BI) ang nabakante at isang malaking religious group ang binayaran umano ng halagang P10M upang ilagay ang isang corrupt na opisyal, at ngayon ay sinisiraan ninyo si ­Rodriguez samantalang gawain ninyo ito gamit ang inyong simbahan kuno!

Ito ang dahilan kung bakit mahigpit na sinasala nina PBBM at ES Rodriguez ang mga aplikante sa ilang bakante pang ahensya ng gobyerno upang hindi muling makaporma ang mga taong nais lamang magpayaman ng sarili gamit ang kanilang puwesto sa pamahalaan.

Hindi kapani-paniwala ang mga ipinupukol na mga paninira kay Rodriguez dahil maging tayo ay ibinabahagi natin ang ating kaalaman sa pamahalaan upang mas lalong makilatis ang mga dating opisyales na nais magbalik sa puwesto kung sila ba ay karapat-dapat.

Nauna nang sinabi ni Rodriguez na ang kanilang tinitingnan sa pagpili ng mga ilalagay sa puwesto ay ang kakayahan nito at hindi ang palakasan, maging sino man ang kanilang padrino.

Ang paninira kay Rodriguez ay patunay lamang na gumagawa ito ng mabuti kung kaya’t pilit na binabato ng mga taong hindi napagbigyan na magpatuloy ang kanilang sindikato.

Sa napakabigat na trabaho ng isang executive secretary ay nagiging matatag at kalmado si Rodriguez sa lahat ng ibinabato sa kanya dahil alam nito sa kanyang sarili at ng Pangulo, na ang tiwala ay mahirap gibain ng kahit sino pa man.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

165

Related posts

Leave a Comment