Itinaas ng ratings agency na Standard & Poor’s ang credit rating ng Pilipinas, o ang sinukat na antas ng abilidad ng bansa na bayaran nito ang mga utang nito. Ang ibig sabihin nito ay mas lalong bababa ang interes sa mga utang ng bansa at mas lalaki pa ang pondo ng gobyerno para sa mga proyekto nito.
Noong ako ay isang opisyal sa Malacañang sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, naging malaking proyekto ng pamahalaan ni Arroyo na pataasin ang credit rating ng Pilipinas bilang solusyon sa taunang budget deficit o kakulangan ng pondo ng gobyerno.
Taun-taon na lang kasi ay umuutang ang pamahalaan ng daan-bilyong piso mula sa mga bangko sa iba’t ibang parte ng mundo, karamihan ay sa Amerika, para lang mapondohan ang gastusin nito. Kumakain ng malaking parte ng taunang budget ng pamahalaan ang taunang bayad sa mga utang na ito at dahil hindi naman kaya ng pamahalaan na taasan nang todo ang mga buwis at hindi makontrol ang mga mayayamang hindi nagbabayad ng tamang buwis, isang solusyon upang mabawasan ang taunang gastos ay ang kumbinsihin ang mundo ng mga bangkero na kaya nating bayaran ang ating mga utang nang hindi na kailangan pang umutang pa ng dagdag sa kanila.
Upang makumbinsi ang mga bangkero na kaya ng pamahalaan ay ang ipakita na kaya nitong kumita ng malaki at masiguro na lahat ng mga buwis na ipinapataw nito ay nakokolekta nito ng tama. Ito ang nagawa ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ipinasa nitong TRAIN na mga batas. Ipinataw ang VAT sa lahat ng mga produkto at serbisyo gaya ng orihinal na plano at tinanggal ang mga paraan na makakalusot ang sinumang dapat magbayad nito. Mas madali na ngayon dahil sa teknolohiya ang makita ang kita o gastos ng sinuman kaysa noon.
Inaasahan na ang mas magandang credit rating ng Pilipinas ay magiging dahilan upang mabawasan ang taunang bayarin sa mga utang ng bansa ng ilang daan-bilyong piso. Mas malaking pondo para sa mga benepisyo sa gamot, ospital at pondo para sa mga mahihirap.
‘Yun ang dapat ninyong singilin sa Kongreso at sa gobyerno matapos ang eleksyon na ito. (Usapang Kabuhayan/BOBBY CAPCO)
122