(NI NICK ECHEVARRIA)
IPINAAARESTO na ng korte ang suspendidong alkalde ng Daraga, Albay na si Carlwyn Baldo.
Ayon kay Albay Provincial Police Office Chief P/Col. Wilson Asueta, hawak na nila ang warrant of arrest laban kay Baldo na ipinalabas ng Legazpi City Regional Trial Court Branch 10.
Kasalukuyan na umanong pinaghahanap ng kanilang mga tauhan ang suspendidong alkalde na nahaharap sa dalawang kaso ng pagpatay kay Ako Bicol party-list Representative Rodel Batocabe at sa alalay nitong si P/SMSgt. Orlando Diaz.
Matatandaan na noong Disyembre 2018, pinagbabaril ng mga armadong suspek na umano’y tauhan ng suspendidong mayor si Batocabe sa isang gift giving sa Barangay Burgos.
Kinasuhan din si Baldo ng anim na beses na attempted murder dahil sa mga nadamay na senior citizen sa naganap na pamamaril.
Ang pinaslang na si Batocabe ang makakalaban sana ni Baldo sa pagka-alkalde ngayong May 13 elections sa kanilang lugar, subalit pinalitan ito ng kanyang misis na si Gerlie Duran Batocabe.
199