THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
KAPAG panahon ng kapaskuhan, kaliwa’t kanan ang mga paalala na mag-ingat sa mga mapagsamantala. Dumarami raw kasi talaga ang mga ito kapag ganitong panahon dahil kinakailangan dumiskarte para may maihanda pang Noche Buena, o kaya dahil alam ng mga masasamang loob na marami ring may bonus o may extra na pera.
Pero minsan, sa kagustuhang mapagaan ang buhay kapag ganitong panahon, maaari namang magdulot ng banta sa kabuhayan at buhay ang masasamang gawain kagaya na nga ng pagnanakaw.
Ganito rin ang paulit-ulit na paalala ng mga awtoridad sa mga nagnanakaw ng kuryente, at ng mga pasilidad kagaya ng kable at kuntador. Siyempre, sa tuwing ginagawa ‘yan, nagdudulot talaga ng banta hindi lamang sa buhay ng gumagawa nito, kundi maging sa komunidad.
Talamak pa rin ang gumagamit ng mga jumper at pati na rin ang mga nagnanakaw ng kable ng kuryente kaya mayroon talagang mga napapaulat na nawawalan ng buhay dahil nakukuryente. Mas napasama pa. Imbis na kumita, buhay pa ang naging kapalit.
At ngayon, kapansin-pansin din na pati ang mga metro ng kuryente – na hindi naman ipinagbibili sa mga customer, ninanakaw na rin. Ayon sa huling datos ng Meralco, mahigit 2,000 na metro ng kuryente ang naitalang nanakaw nitong taon lamang na ito.
Makikitang pati sa online shopping channels kagaya ng Facebook Marketplace at Lazada ang ibinebentang metro at talaga namang napagkakakitaan. Pero, alam ninyo ba na makita lamang na nasa hindi awtorisadong tao ang metro ng kuryente, maaari na itong maparusahan? Labag kasi sa batas ang possession ng ganitong gamit dahil una, hindi naman ito ipinagbibili sa mga distribyutor ng kuryente. Kaya ang pagnanakaw nito, talagang tinututukan. Marami na ring nahuli dahil dito, at imbis na kumita, dinala pa sila sa kulungan.
Sa kagustuhang mas paigtingin pa ang pagsugpo sa pagnanakaw ng mga distribution facilities kagaya ng metro ng kuryente, nagsanib-pwersa kamakailan ang Meralco at Philippine National Police – Crime Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Layunin ng pinirmahang kasunduan ng Meralco at PNP-CIDG na labanan ang laganap na pagnanakaw ng mga kagamitan sa pamamahagi ng kuryente – kasama na riyan ang mas pinatindi pang imbestigasyon at pagpaparusa sa mga taong may kinalaman sa ilegal na aktibidad na ito.
Magandang indikasyon ang ganitong hakbang na nagpapakita na seryoso talaga ang mga nasa awtoridad na wakasan na ang ganitong problema na nagdudulot ng matinding perwisyo sa mga konsyumer ng kuryente.
Kasama rin sa napagkasunduan ng Meralco at PNP-CIDG ang patuloy na pagsasanay para mas maging epektibo ang mga operasyon. At siyempre, kasama rito ang patuloy na kampanya para magbigay kaalaman at palawakin ang mga aktibidad na magbibigay ng tamang edukasyon sa publiko tungkol sa mga panganib ng paggamit ng mga nakaw na kagamitan ng kuryente.
Nagpapakita ang hakbang na ito ng Meralco at PNP ng malalim na pang-unawa sa kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos at ligtas na sistema ng kuryente sa bansa. Sa pamamagitan ng kanilang pagtutulungan, mas marami pang mga insidente ng pagnanakaw ang maaaring mapigilan, at mga may sala na mapapanagot sa batas.
Kailangan lang din natin isaalang-alang na importanteng kasama tayong lahat sa paglutas sa isyung ito. Makatutulong din ang pagsuporta sa pagtugis ng ilegal na mga aktibidad. Kasama taya sa layuning isulong ang pagkakaroon ng maayos na serbisyo ng kuryente, at ligtas na komunidad.
15