WALA siguro sa atin ang hindi nagnanais na magpa-RT-PCR test na kahit mahal ay sumusugal tayo para sa kapanatagan ng ating isip kapag nagkaroon tayo ng mga sintomas sa COVID-19.
Hindi kasama sa ating araw-araw na budget ang RT-PCR test o maging ‘yung antigen test kaya malaking kabawasan ito sa ating budget para sa pagkain araw-araw, pambayad ng kuryente, internet, tubig at kung ano-ano pang gastusin sa ating bahay.
Ito marahil ang dahilan kung bakit marami sa atin ang hindi nagpapa-RT-PCR test lalo na ‘yung mga kababayan natin na kulang pa sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan ang budget.
Ang tanging pag-asa ng mga mahihirap nating kababayan para sila ay makapag-swab test ay ang kanilang Local Government Unit (LGU) pero hindi sila gagastos ng sariling pera dahil sobrang mahal ang COVID-19 test na ito.
Hanggang ngayon naglalaro sa P2,800 hanggang P4,000 ang bawat RT-PCR test depende sa bilis ng resulta na kailangan mo, habang ang antigen kit naman ay naglalaro sa P300 hanggang P400 ang halaga.
Kung ang isang pamilya na may 5 miyembro ay kailangang magpa-RT-PCR test, P14,000 hanggang P20,000 ang iluluwal nilang pera at kapag antigen test lang ang gagawin nila, P1,500 hanggang P2,000 pa rin ang kailangan nila.
Malaking pera ‘yan para sa mga ordinaryong kababayan natin na hindi nila kayang gastusan lalo na’t nabawasan ang kanilang income at ‘yung iba totally walang income dahil hindi nakapagtrabaho dahil sa pandemya.
Kaya kung makakaramdam ang mga kababayan natin ng mga sintomas, ginagamot na lang nila ang kanilang sarili at ayaw na nilang alamin kung common flu o COVID-19 na ang tumamang sakit sa kanila.
Kung talagang gusto ng gobyerno na malaman ang katotohanan hinggil sa COVID-19 infections sa bansa, bakit hindi kasi ni-regulate ang presyo ng RT-PCR test sa simula pa lamang?
Alam nila na hindi kakayanin ng mga ordinaryong Pinoy ang halaga ng RT-PCR test pero wala silang ginawa para kontrolin ang presyo nito kaya hindi makapag-test ang mga tao.
‘Yung mga may kakayahan sa buhay ay umaaray na nga sa RT-PCR test dahil masyado itong mahal, paano na lang ang mga mahihirap na Pinoy? Pero walang ginawa ang gobyerno. Hinayaang manatiling mahal ang test na ito.
154