Dahil sa mga ligalig sa Middle East ay pinapangambahan ang panibagong malaking pagtaas sa presyo ng langis. Dagdag pahirap ito lalo na sa mga drayber ng mga pampublikong sasakyan!
Para kay Bayan Muna chairman Neri Colmenares at kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, lalong kailangan na makita ng taumbayan kung paano pinepresyuhan ng mga oil company ang produktong petrolyo.
Unbundling of oil prices ang tawag rito, kung saan makikita nang malinaw kung anu-ano ang pinagkakagastusan upang bigyang-katwiran ang presyo ng produktong petrolyo.
Inatake ng Iranian-backed na grupong Houthis ang dalawang planta sa Abqaiq facility, na nasa buod ng industriya ng langis ng Saudi Arabia. Kaya naman bumaba ang supply ng langis na dahilan sa pagtaas ng presyo. Tinatayang ang pagtaas ng gasolina ay P1.40-P1.60/L, sa diesel P0.70-P0.80/L, at kerosene sa P0.90-P1.00/L.
Dahil wala pang unbundling ng presyo, maaaring pagsamantalahan ng oil company ang bagong pangyayaring ito. Sisirit na naman ang presyo ng langis pero bulag naman tayong ordinaryong mamamayan kung tama ba ang sinisingil sa atin.
Walang may alam kung magkano ang presyo ng langis pagsampa sa ating bansa. Bulag ang taumbayan kung bakit ganoon na lamang ang presyo ng langis.
Matagal nang hinihingi ng Bayan Muna ang datos sa presyuhan ng langis mula pa 2017 kung mayroong overpricing sa langis. Ngunit hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring datos na binigay ang oil companies. Nakahain ngayon sa Kamara ang House Resolution No. 9 upang imbestigahan ang presyuhan sa langis. Panawagan natin sa liderato ng Kamara na dinggin na ang resolusyon upang makita ng taumbayan ang totoo. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
122