Hindi biro ang 3.4 milyon na libro na hindi mapakinabangan ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan dahil sa napakaraming errors na nakalagay sa mga nasabing aklat base sa 2018 report ng Commission on Audit sa Department of Education.
Nagkakahalaga ng P113 milyon ang 3.4 milyon na erroneous textbooks at iba pang learning materials na nakatambak lang sa mga warehouse ng DepEd dahil nga hindi puwedeng ipamahagi sa mga estudyante.
Ayon sa COA report, umaabot sa mahigit 2,055 ang mga nakitang errors sa mga Grade 3 textbooks sa mga subject na Araling Panlipunan, English at Science.
Hindi na bago ang erroneous textbooks na nade-deliver sa DepEd ng mga supplier ng libro pero ang nakapagtataka rito ay kung bakit hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nangyayari ang ganitong mga kapalpakan na nagkakahalaga ng daang milyong piso.
May umiiral sa DepEd na three-step process ng pagrepaso sa textbooks para masigurong walang mga typographical at serious errors sa mga ito at dito nakasalalay kung tatanggapin ng DepEd ang naturang textbooks.
At dahil nakalulusot sa screening committee ang mga palpak na textbooks ay hindi maiaalis ang hinala ng pagkakaroon ng sindikato sa DepEd na nakikipagsabwatan sa supplier ng textbooks na nananalo sa mga bidding.
Ang malaking katanungan ay kung bakit tinatanggap ng DepEd ang delivery ng erroneous textbooks at binabayaran pa ang mga supplier sa kabuuang halaga na P113 milyon.
Dismayado si Senador Sherwin Gatchalian sa COA report sa DepEd at dahil dito ay nakatakdang magpatawag ng imbestigasyon ang kanyang pinamumunuang committee on basic education para matukoy kung sino ang mga responsable sa maaksayang pag-imprenta ng mali-maling textbooks para sa mga estudyante ng Grade 3.
“Nakita ko na may mga nakakaalarma at nakakadismaya na natuklasan ang COA. Isa na rito ‘yung mga libro, ‘yung learners material. Naalarma ako dahil may 3.4 milyong libro na nakatago sa warehouse, P113 milyon ang halaga. Kasama na ang error-filled books, maraming mali at maraming hindi tama na nakapaloob sa libro. Sa Grade 3 na learner’s material almost 2,055 errors ang nakita sa Araling Panlipunan, English, at Science,” paliwanag ni Gatchalian.
Ang ipinagtataka ni Gatchalian ay kung papaano nakalusot ang mga maling impormasyon sa Grade 3 textbooks gayung sumasailalim sa three-step process of review ang lahat ng textbooks sa DepEd bago iimprenta ng supplier.
“Gusto natin ay world-class education at dapat ay mag-umpisa ito sa materyales at libro na ginagamit sa pagtuturo. Nakaka-demoralize sa guro dahil sila mismo ang frontliners. Kapag nakita nila na may mali o hindi tama sila ang humaharap sa magulang natin at hindi nila makonsensya na ituro ang mga bagay na ito dahil alam nila na malaki ang ginagastos, talagang made-demoralize ka,” dagdag pa ni Gatchalian.
Nangangahulugan lang ito na nasa loob pa rin ng DepEd ang sinasabing “textbook syndicate” at malamang na napapaikutan si DepEd Secretary Leonor Briones ng mga beteranong miyembro ng sindikato na nakikipagsabwatan sa mga supplier ng textbook.
Mukhang maraming ipaliliwanag si Secretary Briones sa Senado at kabilang dito ang COA report tungkol sa mahigit P13 bilyon halaga ng ginastos ng DepEd noong 2018 na kaduda-duda ayon sa COA.
Sabi nga ni Senador Gatchalian: “While DepEd has assured the COA that its future transactions will be supported by complete documentary requirements as prescribed by law, it still has to explain the quite honestly more disturbing red flags made by state auditors.” Abangan… (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
168