Sa oras na mapatunayan sa isasagawang imbestigasyon ng DOJ-NBI na kaya lamang napadali ang paglaya ng isang preso o person deprived of liberty (PDL) ay dahil sa pagbili o binayarang Good Conduct Time Allowance (GCTA) ay malabo na itong magbenepisyo pa sa Republic Act 10592 o GCTA law.
Tiniyak ni Justice Sec. Menardo Guevarra na hindi na mabibigyan ng credits sa ilalim ng binalangkas na IRR ng R.A. 10592 o GCTA law ang PDLs na sangkot sa mga paulit ulit na mga paglabag sa loob ng NBP kabilang ang nakagawa ng Henious Crimes gaya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Ang paglilinaw ay ginawa ng kalihim kasunod na rin ito ng naging paglagda nina Sec. Guevarra at DILG Sec. Eduardo Año sa revised IRR na nagbibigay-linaw sa kung sinu-sino bang inmates ng Bilibid ang dapat o hindi na magbenepisyo sa ilalim ng GCTA law.
Kumpiyansa ang DOJ at DILG na magiging klaro na sa lahat ang implementasyon ng GCTA law sa Ilalim ng bagong IRR.
Unang-una sa listahan ng mga nirebisang IRR ng RA 10592 ang paglilinaw kung sino ang mga excluded o mga hindi dapat mabigyan ng credits at allowance na inmates kabilang dito ang mga recidivist, escapees, inmates na sangkot sa heinous crimes at ang inmates na maituturing na habitual delinquent.
Binigyang linaw na rin sa bagong IRR ang mga kaso na pasok sa kategoryang heinous crimes o karumal-dumal na krimen, gaya ng murder, kidnapping, drug related cases, parricide at iba pa na nakadetalye na rin naman sa mga umiiral na batas.
Paliwanag pa nina Sec. Guevarra at Ano, na magkakabisa lamang ang revised IRR pagkatapos ng 15 days na publication sa mga pahayagan na mayroong general circulation. (Pro Hac Vice)
131