BAGO ipasa ng Bicameral Conference Committee (Bicam) ng Kongreso ang P4.1 trilyong hinihinging badyet ng pambansang pamahalaan para 2020, nabunyag sa publiko na nagsingit pa ang ilang kongresistang kinatawan sa Bicam ng P83.219 bilyong halaga ng mga proyekto.
Bago ipasa ng Senado ang P4.1 trilyong badyet, wala ang P83.219 bilyong halaga ng mga proyekto, pagsisiwalat ni Senador Panfilo Lacson.
Ngunit, nang makarating at pirmahan na ng mga senador at kongresista na bahagi ng Bicam, pasok na ang P83.219 bilyon, banggit ni Lacson. Hindi siya lumagda.
Ayon pa sa kanya, ang P83.219 bilyon ay siyang pagkukunan ng mga kongresista para sa ‘listahan’ nila ng 742 proyekto na P16.345 bilyon ang kabuuang halaga na nakasaad sa ulat ng Bicam.
Kung totoo ang 742 proyekto, kuwentahin n’yo ang P83.219 bilyon – P16.345 bilyon = P66.874 bilyon ang sobra. Grabe ang multi-bilyong singit na ito!
Kamakailan, biglang naisingit sa Kamara del Represenstantes ang pagpapalawig ng termino ng mga halal na opisyal ng pamahalaan.
Ipinasa ng Committee on Constitutional Amendments ng Kamara na pinamumunuan ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang “joint resolution” na nagpapalawig sa termino ng lahat ng halal na opisyal ng pamahalaan (maliban sa pangulo, pangalawang pangulo, barangay at sangguniang kabataan) sa limang taon kada isang termino mula sa kasalukuyang tatlong taon.
Tatlong magkakasunod na termino maaaring tumakbo at manalo ang mga halal na opisyal. Ngunit, idiniin ni Rodriguez na hindi pagpapalawig ng termino ang ipinasa ng kanyang komite.
Doctor of Education program at Master of Public Administration program holder na ako, ngunit hindi maarok ng isipan ko ang ‘napakalalim’ na paliwanag ni Rodriguez na walang pagpapalawig sa kanilang termino.
Mahalagang isyu ang kaganapang ito, sapagkat ang biglang pagsingit ng mga kasapi ng komite ni Rodriguez bago magbakasyon ang mga mambabatas ay pasok sa pagbabago ng Saligang Batas tungo sa pagbabago ng pampulitikang sistema nito.
oOo
Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (Nelson Badilla / Badilla Ngayon)
270