MMDA AT COMELEC SANIB-PWERSA SA HALALAN 2025

TARGET COLUMN NI KA REX CAYANONG

SA papalapit na 2025 national at local elections, isang mahalagang kasunduan ang nilagdaan ng Commission on Elections (COMELEC) at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang palawakin ang kanilang pagtutulungan sa paghahanda para sa halalan.

Ang memorandum of agreement (MOA) na ito ay naglalayong tiyakin na magiging malinis, tapat, at transparent ang eleksyon, partikular sa Metro Manila, na siyang may pinakamalaking populasyon ng mga botante sa bansa. Sa ilalim ng kasunduang ito, ang MMDA ay magbibigay ng suporta sa COMELEC sa pamamagitan ng mga makabagong kagamitan at tauhan nito, na makakatulong sa pagpapatupad ng seguridad at kaayusan sa araw ng halalan.

Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, ipagagamit ng kanilang ahensya ang ilang mahahalagang kagamitan at pasilidad sa COMELEC. Kasama sa mga ito ang command center, mobile command center, body camera, mga radyo, deployable camera, at ang kanilang mga tauhan.

Ang mga kagamitan at pasilidad na ito ay malaki ang maitutulong sa pagsubaybay sa mga polling precincts upang maiwasan ang anumang uri ng pandaraya o kaguluhan.

Ang pagkakaroon ng body camera, halimbawa, ay makakatulong upang maiwasan ang mga insidente ng bribery o harassment sa mga botante, habang ang mga deployable camera naman ay magbibigay ng real-time na monitoring sa mga lugar kung saan nagaganap ang botohan.

Hindi bago ang pagtutulungan ng COMELEC at MMDA pagdating sa halalan, subalit ito ay naging limitado sa mga nakaraang taon sa mga proyekto gaya ng “Oplan Baklas” na nakatuon sa pagtanggal ng mga iligal na campaign materials sa paligid ng Metro Manila at sa pagmo-monitor ng trapiko tuwing panahon ng paghahain ng mga certificates of candidacy (COC).

Sinasabing sa pamamagitan ng bagong kasunduan, lumalawak ang saklaw ng kanilang partnership, at ito ay hindi lamang nakasentro sa mga materyales o trapiko, kundi pati na rin sa aktwal na pagpapatupad ng kaayusan sa araw ng halalan.

Bagama’t gagamitin pa rin ng COMELEC ang Command Center ng Philippine National Police (PNP) para sa kabuuang seguridad, ang mga asset ng MMDA ay magiging pangunahing sandigan ng poll body sa Metro Manila.

Ipinapakita nito ang isang makabagong hakbang kung saan hindi lamang mga pulis ang inaasahan sa pagtiyak ng seguridad sa halalan kundi pati na rin ang iba pang ahensya ng gobyerno na may mga teknikal na kakayahan sa ganitong uri ng pangangailangan.

Ang partisipasyon ng PNP ay mahalaga sa pagbibigay ng proteksyon sa buong bansa, lalo na sa mga liblib na lugar kung saan ang seguridad ay mas mahirap ipatupad. Gayunpaman, sa urban areas tulad ng Metro Manila, ang MMDA ay may mga kinakailangang kagamitan at sistemang nakatuon sa mabilisang pagsubaybay at pagtugon sa mga sitwasyon, kaya ang kanilang presensya ay isang epektibong hakbang upang tiyakin ang kaligtasan ng mga botante.

70

Related posts

Leave a Comment