NAG-FACT CHECK SI CARINA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

PARANG nag-fact check si super typhoon Carina at Habagat sa gobyerno hinggil sa ipinagmayabang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na nagawa na raw na 5,500 flood control projects.

Hindi siguro inakala ng pangulo na dalawang araw matapos ipagmalaki ang proyektong ito ay pinadami pa ni Carina ang ibinuhos na ulan para masubok marahil kung totoo ba ang proyektong ito at makatutulong ba para hindi na bumaha sa Metro Manila.

Nakita naman natin ang resulta, halos buong Metro Manila ang lumubog kaya ang tanong ng mga tao ngayon, nasaan ang flood control projects na ginagastusan ng halos isang bilyong piso kada araw?

‘Yang halaga na ‘yan ay hindi pa kasama ang foreign assisted funds para sa proyektong magkokontrol sa pagbaha sa Metro Manila at karatig na mga lalawigan kapag panahon ng tag-ulan lalo na’t nagbago ang klima.

Kaya ang tanong ngayon ng mga tao, nasaan ang flood control projects? Meron ba talaga o kung meron man, bakit ang tindi pa rin ng bahang naranasan nang dumaan ang bagyong si Carina na sinabayan ni Habagat?

Hindi ipinapaalam sa atin kung saan nakatayo ang flood control projects na ito kaya bulag tayo at kapag nagastos na ang pera, sasabihin sa atin na nagawa na ang proyekto pero lalo pang lumala ang problema sa pagbaha sa Metro Manila.

At hindi lang ngayong administrasyon binubuhusan ng daan-daang bilyong piso kada taon ang flood control projects kuno na ito kundi noong panahon pa ng nagdaang pangulo na sina Gloria Macapagal Arroyo, Noynoy Aquino at Rodrigo Duterte.

Sa pamamagitan ng social media, nakita ng mga taga-probinsya kung gaano kalala ang inabot ng mga taga-Metro Manila dahil maraming larawan at video ang lumabas na hanggang bubong ng mga bahay ang binaha.

Mas magagalit at madidismaya ka kapag makita mo ang mga video na natakpan na ng mga basura ang bubong ng mga bahay na lumubog na indikasyon na maging ang mga pondo ng mga local government unit (LGU) para hakutin ang mga basura ay nasayang din.

Bilyones din ang inilalaang pondo ng mga LGU para sa paghahakot ng mga basura sa kanilang nasasakupan bukod ‘yan sa pondo na hawak ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kaya bakit ang dami pa ring basura?

Laging sinasabi ng mga nasa gobyerno na walang disiplina kasi ang mga tao sa pagtatapon ng basura pero kung hinahakot lang talaga nang maayos ang mga basura wala sanang problema dahil ang mga naghahakot ng mga basura, ay pangangalakal ang ginagawa at yung basurang wala silang pakinabang ay iniiwan.

Pansinin n’yo ang mga trak ng mga basura, punong-punong ng mga kalakal at hindi talaga hinahakot lahat, at alam ito ng mga LGU pero dedma sila, kung ilang bilyong piso ang rason ay hindi natin alam.

162

Related posts

Leave a Comment