NAGBABADYANG BALIK-SINDIKATO

KASABAY ng babala ng World Health Organization (WHO) kaugnay ng bagong tuklas na COVID-19 variant, muling nabuhayan ng pag-asa ang mga utak sindikato sa gobyernong kasapakat ng mga wanted na Tsino.

Pag-amin mismo ni vaccine czar Carlito Galvez, posibleng muling gawing mandatory ang pagsusuot ng face shields na simbolo ng mga dorobo.

Giit ni Galvez, mas mabangis ang peligrong dala ng Omicron variant. Tama naman ang Kalihim pero hindi sagot ang panibagong pasanin ng naghihikahos na Pilipino sa nagbabadyang pandemyang mistulang gatasan ng mga tiwali sa gobyerno.

Maging si Health Secretary Francisco Duque, pabor sa muling pagpapatupad ng pwersahang reglamento na para bang mas agresibo pa kumpara sa malawakang pagbabakuna.

Bakit nga naman hindi? Higit na kailangan ngayon ng administrasyon ang malaking pondo bilang paghahanda sa nalalapit na halalan. Kailangan nila ang armada ng kwartang panapat sa kanilang mga kalaban.

Hindi na bago ang katiwalian sa pamahalaan. Hindi pa man tayo ipinanganak, meron na niyan. Pero sadyang natatangi ang mga bida at siga sa ilalim ng administrasyong Duterte. Mas kursunada nila ang kumitang kabuhayan habang minamasdan ang paghihinagpis ng bayan.

Bukod sa face shields, pinag-iisipan na rin marahil ng gobyerno ang mangutang ulit para tustusan ang pagtugon kontra pandemyang sukdulang kinasangkapan lang ng mga kawatan.

Over-pricing, ghost delivery, SOP mula sa piling negosyanteng Tsino at iba pang pera-paraan, sumambulat sa ulat ng Commission on Audit (COA) nito lamang nakalipas na Hunyo.

Para sa mga tiwaling kinapos ng puso, Pasko ang bawat sandaling nagdurusa ang bawat mamamayang Pilipino.

2

Related posts

Leave a Comment