NAHALUAN NG POLITIKA ANG INSIDENTE SA RECTO BANK

SIDEBAR

Normal lang para sa mga Filipino na makisimpatiya sa 22 kababayan nating mangingisda na muntik nang mangamatay nang mabangga ng isang Chinese trawler ang kanilang bangkang pangisda noong Hunyo 9 sa may Recto Bank (Reed Bank).

Ang hindi normal ay kung anu-anong ispekulasyon na ang lumabas pagkatapos ng insidente kahit wala pang pormal na imbestigasyon.

Pinakamalala ay nang mahaluan ng politika ang insidente.

Ayon kay US Ambassador to the Philippines Sung Kim nanggaling ang pahayag na posibleng gamitin ang RP-US Mutual Defense Treaty sakaling magkaroon ng eskalasyon ang namumuong tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa insidente.

Hindi naman lihim ang “trade war” sa pagitan ng US at China kaya ang pahayag ni Kim ay isang pagbabanta sa China na suportado ng US ang Pilipinas sakaling magkaroon ng giyera sa pagitan ng dalawang bansa.

Isang linggo rin ang lumipas bago nagsalita si Pangulong Duterte at sinabi niya sa selebrasyon ng 121st anniversary ng Philippine Navy sa Sangley Point sa Cavite na isang maliit na maritime accident lang ang nangyari sa Recto Bank.

Kinatigan ni dating Ambassador Alberto Encomienda ang pahayag na ito ni Pangulong Duterte dahil hindi naman kaila na maraming aksidenteng nangyayari sa dagat at hindi lang sa mga Filipino kung hindi sa iba ring mga nasyonalidad at kailanman ay hindi napolitika ang isyu o nauwi sa posibleng giyera. Resource person si Encomienda sa ginanap na “Pandesal Forum” kahapon sa Kamuning Ba­kery sa Quezon City.

Base sa inisyal na imbestigasyon sa insidente na kinasangkutan ng F/B Gem-Vir 1, ang cook lang na si Richard Ablaza ang gising bago ang pagbangga ng isang Chinese trawler sa kanilang bangka.

Sinabi pa ni Ablaza na posibleng hindi nakita ng kapitan ng Chinese trawler ang F/B Gen-Vir 1 dahil ang nakabukas lang na ilaw ng kanilang bangka ay sa kusina kung saan siya nagtatrabaho at sa cabin ng kapitan.

Hindi pa malinaw kung bakit matapos mabangga ang F/B Gen-Vir 1 ay hindi tumulong ang mga tripulanteng Chinese para sagipin ang mga Filipinong mangi­ngisda at kinailangan pang mga mangingisdang Vietnamese ang sumagip sa mga Filipino.

Kaya kailangang ma­linawan at marinig ang magkabilang panig at mula roon ay magkaroon ng opisyal na report na pagbabasehan ng magiging aksyon ng Pilipinas. (Sidebar /RAYMOND BURGOS)

115

Related posts

Leave a Comment