NAPAKABULOK ANG IDEYA NG INQUIRER COLUMNIST TUNGKOL KAY ROBREDO (1)

ABSOLUTO ang paniniwala at paninindigan ko na hindi masamang purihin ang sinumang opisyal ng pamahalaan, kabilang si Bise Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo, sa kanilang mga nagagawa.

Ngunit, huwag naman umabot ang papuri sa pagpapakawala ng bulok na ideya upang bumango lang ang pangalan at kredebilidad ni Robredo, partikular na kung ­ikakabit ito sa makasaysayang “EDSA Uno” na naganap noong 1986.

Hindi ako nagbabasa ng kolum na “Horizons” ni Richard Heydarian sa Philippine Daily Inquirer (PDI) dahil hindi ko gusto at hindi rin ako kumbinsido sa mga “analysis” ni Heydarian sa maraming isyu na ipinahahayag niya sa GMA Network.

Para sa akin, walang katalas-talas ang kanyang mga naiisip at nadidiskubreng ideya!

Ngunit, bigla akong napabasa sa kolum niya na lumabas nitong Marso 2 dahil sa pamagat na “A Leni presidency: Fulfilling the Edsa dream”.

Ang layunin ko sa pagbabasa ay upang malaman kung ano, o anu-ano, ang mga paliwanag ni Heydarian sa nasabing paksa.

Sa naturang kolum, binatikos ni Heydarian si Duterte dahil winasak umano nito ang mga nakamit at naganap sa Pilipinas mula noong pangulo si Gloria Macapagal – Arroyo hanggang matapos ang termino ni Benigno Simeon Cojuangco III.

Sabi ng kolumnista ng Inquirer: “President Duterte has simply thrown away all the hard-earned gains of his two immediate predecessors, Benigno Aquino III and Gloria Macapagal Arroyo”.

Ang batayang pinagtuntungan ni Heydarian ay ang pananaw ng World Bank.

Pokaragat na ‘yan!

Noong 2013, idineklara ng noo’y World Bank country director na si Motoo Konishi na “The ­Philippines is no longer the sick man of East Asia, but the rising tiger [of Asia]”.

Naganap ito dahil sa “sound and improving” fiscal situation, an anti-corruption campaign that is “paying off” after “being waged with determination,” and with ­­”[t]ransparency… improving everywhere in the Philippines”, saad sa kolum ni Heydarian.

Baka hindi alam ni ­Heydarian na itinatag ang World Bank sa panahong iginigiit ng Estados Unidos ng Amerika ang imperyalistang paghahari at kapangyarihan nito sa buong mundo.

Kaya, kapritso at pagiging istable ng mga kapitalistang bansa, sa pangunguna ng Estados Unidos, ang layunin ng World Bank mula noon hanggang kasalukuyan at sa mga susunod na taon at dekada.

Kaya, ang pahayag ni Konishi ay patungkol lang sa pagtugon ng mga administrasyon nina Arroyo at Aquino sa ‘dikta’ at ‘utos’ ng World Bank sa Pilipinas.

Natural, ito ay nakakabit sa inutang nina Arroyo at Aquino at ng mga nakalipas na administrasyon sa World Bank, kabilang iyong sa panahon ng nanay ni Aquino na si dating Pangulong Corazon Cojuangco Aquino.

Walang kinalaman ang naganap na Edsa Uno sa pagpuri ni Konishi sa Pilipinas noong panahon nina Arroyo at Aquino.

Ngunit, dahil napakataas ng antas ng analysis ni Heydarian na winasak ni Duterte ang lahat ng pinaghirapan ng mga pangulo ng Pilipinas mula Enero 2001 hanggang Hunyo 30,2016, si Leni Robredo ang solusyon niya.

Pokaragat na ‘yan!

Ganito ang isinulat ni ­Heydarian: “Should duly-elected Vice President Leni Robredo run for the country’s highest office, she will have a unique opportunity to revive the true promise of the Edsa people power revolt, namely not only formal political freedoms but also social justice for ordinary Filipinos”.

Bakit biglang ipinasok ni Heydarian si Robredo na naging mistulang “napakamakapangyarihang nilalang” na magtutuloy sa Edsa Uno upang makamit ang “Edsa Dream” kung ang tinumbok ni Heydarian na malaking problema ay ang ginawa ni Duterte laban sa mga nakamit ng

Pilipinas sa ­panahon nina Arroyo at Aquino alinsunod sa kagustuhan ng World Bank?

Hindi naman si Duterte at ang kanyang mga heneral at paboritong mga opisyal ng pamahalaan ang dahilan kung bakit hindi natuloy at nakamit ang tinatawag ni ­Heydarian na Edsa Dream.

Dapat hindi bulok ang ideya ni Richard Heydarian sa pagkilala sa pagigng kakaibang nilalang ni Leni Robredo kung ginamit niya ang ideya nina Karl Marx at G. F. W. Hegel.

Ito’y dahil dapat naisip ni ­Heydarian na pakikibaka ng mamamayan, sa pangunguna ng mga manggagawa, makakamit ang totoong ‘Edsa’ ng uring manggagawa kung nanghiram siya ng tigi-isag ideya mula kina Marx at Hegel, lalo na kay Marx.

Malaking panloloko sa mamamayang Filipino ang ideyang si Robredo ang siyang magpapatuloy at magkakamit ng Edsa Dream, samantalang mula kay Corazon Aquino hanggang sa anak niyang si Noynoy Aquino na ‘ilaw’ ‘poste’ ng dilawang puwersa ay kaliwa’t kanang kontra-mamamayang ang nalasap at naranasan ng pinamalaking bilang ng mga pangkaraniwang tao. (Itutuloy)

107

Related posts

Leave a Comment