NASA GOBYERNO DAPAT MAGING MABUTING EHEMPLO

EDITORIAL

NIRANGGO ang Pilipinas na pang-115 mula sa 180 bansa sa 2023 Corruption Perception Index. Ayon sa Transparency International, umiskor ang Pilipinas ng 34 mula sa 100.

Ang CPI score ay ginagamit para tayahin ang antas ng katiwalian ng pamahalaan. “Highly corrupt” na itinuturing ang may score na 0 at “very clean” ang 100.

Noong 2022, ang Pilipinas ay pang-116th at may iskor na 33. Nakuha ng bansa ang pinakamataas na CPI score na 38 noong 2014.

Ngayong taon, tumanggap ang Denmark ng pinakamataas na score na 90, at nangunguna sa 180 bansa.

Dahil bahagyang bumuti ang ranggo ng Pilipinas, hinikayat ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang mga Pilipino na maging optimistiko at huwag talikdan ang laban para sa mabuting pamahalaan.

Aniya, ang CPI ranking ay hamon na gawin ang mas mabuti, at dahilan ng pag-asa na ang bansa ay patungo sa tamang direksyon.

Dagdag ni Bersamin, pinagsisikapan na ng administrasyon na putulin ang red tape at labanan ang korupsyon na layunin ng ipinagmamalaking “digital transformation” ng pamahalaan.

Ang taumbayan ay naghahangad ng mabuting serbisyo mula sa gobyerno. Tiwala ang isusukli ng mamamayan sa matapat na pamahalaan.

Ngunit, hindi madaling masawata ang nakasanayang asal para sa sariling kapakinabangan. Mahirap walisin ang abusado sa kapangyarihan. Mangangati pa rin ang kamay para makapagnakaw sa kaban ng bayan. Mahirap pa ring pigilin ang atas ng paglustay ng pinagkatiwalaang pondo na pampubliko.

Hindi tinitingnan ang pagtaas ng ranggo sa CPI bilang hamon dahil tungkulin ng nasa gobyerno na magpamalas ng integridad at katapatan sa kanilang trabaho.

Kung tapat ang gobyerno sa anti-corruption na mga hakbang ay dapat maging huwaran ang mga nakatataas.

Hindi dapat ipagmalaki ang bahagyang pagtaas ng ranggo sa CPI. Nakamasid pa rin ang mundo sa pamamalakad ng pamahalaan ng Pinas.

Ang isang dangkal na hakbang ay hindi malayong igpaw.

Ulit-ulitin man ni Pangulong Marcos ang “sa Bagong Pilipinas, bawal ang hindi tapat at nangungulimbat, bawal ang waldas” ay wala rin itong saysay dahil sa mismong kick-off rally ay nakita na ang tunay na ehemplo ng paglustay.

33

Related posts

Leave a Comment