AKO OFW ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
HABANG isinusulat ko ang kolum ko na ito ay sunod-sunod na masayang mensahe ang aking natanggap mula kay OFW Jycel Lechonsito na kamakailan ay dumulog sa AKO-OFW upang makiusap na matulungan siya na makauwi na sa ating bansa mula sa bansang Qatar.
Narito ang kanyang buong kwento sa kanyang panawagan, “Sir, nakatatlong amo na po ako, una po umalis ako dun dahil sa kasama kung sipsip, ‘di ko nakayanan kasi po, araw-araw sa akin mainit mata ng amo, kahit lahat naman nagawa ko na at pinipilit po ako magluto, nagagawa ko naman po kahit first timer ako kaso nga po ‘yung kasama kong sipsip, ‘pag sa kusina kami, pinapakialaman niya luto ko, nilalagyan niya ng mga kung ano-ano para hindi maganda ang kalabasan at pagalitan ako”.
“Kaya umalis ako dun, 6 months po ako dun, ngayon po nakakuha ako ng pangalawang amo, una po okay naman ako dun kaso po tumatagal ay ‘di na po ako binibigyan ng pagkain at pahinga po at lagi ako nagkakasakit dun. Nung nagkasakit ako pina-check up niya ako sa doctor, pero ako po ang nagbayad ng lahat ng gastos at gamot. ”
“Bali po card niya ginamit pero diniduct niya po sa sahod ko, kaya po naglakas loob na po ako na umalis dun at nagpabalik ng agency ulit, 4 months ako dun sir., at ito na po nung nakabalik na po ako ng agency binenta naman po nila ako ulit dito sa pangatlong amo ko.”
“Ngayon sir, ang babae po sobrang istrikta at selosa po kahit nagkukulong na po ako sa kwarto, pag andyan na asawa niya, nagagalit pa rin po sa akin kahit wala ako ginagawa at natapos ko naman po ang trabaho ko nang maayos dito, sir, kaso naghanap talaga siya ng kung ano ang pwede niyang igalit s akin”.
“Mag 2 buwan na po ako dito, sir, at yung kain ko dito, sir, isang beses lang sa isang araw. Ang ginagawa ko ay diskarte na lang sa buhay, ngayon sir, sobrang stress na po ako dito sa pangatlong amo ko, pilit ko man lang intindihin kasi nga buntis po pero tapos naman ang paglilihi niya, manganganak na nga”.
“Stress na po ako dito sir, para akong maboang sa kakasigaw niya sa akin… galit araw-araw at oras-oras, ‘di ko na po maintindihan kung saan ako lulugar, sir… kung babalik ako ng agency ko e bebenta naman ako nila, nakakapagod na po palit-palit ng amo sir”.
Sa pamamagitan ng ating pakikipag-ugnayan kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Cacdac ay mabilis na natulungan si OFW Lechonsito.
Habang isinusulat ko itong ating kolum ay nasa NAIA 1 na siya at sinalubong ng mga kawani ng OWWA upang siya ay matulungan na makauwi hanggang sa kanyang probinsiya sa South Cotabato.
***
Kung kayo ay may sumbong o hinaing na ibig ninyong bigyan ng pansin, ay sumulat po lamang sa ating AKO-OFW sa email address na akoofwpartylist@yahoo.com o sa saksi.ngayon@gmail.com
101