TARGET ni KA REX CAYANONG
BILANG bahagi ng ika-89 na anibersaryo ng Office of the Vice President (OVP), matagumpay na naisagawa ang serye ng Thanksgiving and Gift-giving activities sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na nagbigay ng suporta at saya sa libu-libong mga Pilipino.
Ang mga aktibidad na ito ay sumasalamin sa misyon ng OVP na maghatid ng malasakit at pagkalinga sa mga sektor ng lipunan na malapit sa puso ng pamahalaan.
Sa Navotas City noong Disyembre 16, 2024, tinipon ng OVP ang 500 pamilya mula sa Barangay Tangos North at South, karamihan ay mga mangingisda.
Tumanggap sila ng gift packs na simbolo ng pasasalamat sa kanilang mahalagang kontribusyon sa lokal na ekonomiya. Ang pakikiisa ng mga kawani ng lokal na pamahalaan, barangay officials, at pamunuan ng Tangos National High School ang naging susi sa tagumpay ng aktibidad.
Sa Lingayen, Pangasinan, noong Nobyembre 28, 2024, personal na pinangunahan ni Vice President Inday Sara Duterte ang pamamahagi ng 2,000 gift packs para sa solo parents, pedicab drivers, magsasaka, vendors, at barbero.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga sektor na ito bilang pundasyon ng komunidad at ekonomiya ng Lingayen. Ang aktibidad, na isinagawa sa tulong ng OVP-Pangasinan Satellite Office, ay nagtagumpay dahil sa suporta ng mga lokal na opisyal at volunteers.
Samantala, sa Barangay Balangbalang, Remedios T. Romualdez (RTR), Agusan del Norte, idinaos ang gift-giving activity noong Disyembre 6, 2024, kung saan mahigit 1,000 magsasaka ang nakatanggap ng mga ayuda.
Kilala ang RTR bilang pangunahing producer ng bigas sa probinsya, at ang pasasalamat ng OVP sa mga magsasaka ay inihatid sa pamamagitan ng mga regalo at pagkilala. Pinangunahan ng OVP-Caraga Satellite Office ang programa, katuwang ang lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Richard Daquipil.
Ang mga Thanksgiving activities na ito ay hindi lamang selebrasyon ng anibersaryo ng OVP kundi patunay rin ng pagkakaisa at pagkilala sa mga sakripisyo ng bawat Pilipino. Ang patuloy na pagtutulungan ng OVP, mga lokal na opisyal, at mga komunidad ang nagbibigay-inspirasyon para ipagpatuloy ang mga ganitong inisyatibo na naglalapit sa pamahalaan at sa mamamayan.
2