PUNA ni JOEL O. AMONGO
SA kabila na halos kalahati ng populasyon (31-M) sa bansa ang nagugutom ay nakagawa pa rin ang gobyerno ng 32 bilyong pisong stadium project sa Clark, Pampanga?
Ang proyektong itinatayo malapit sa Clark International Airport sa Clark, Pampanga ay tinawag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na ‘misplacement of priorities’ dahil mas inuuna ito kaysa pangangailangan ng mamamayan.
Ilang public hospitals, schools, o housing projects ang maitatayo sa P32 billion na ginamit sa pagtatayo ng stadium?, pagtatanong pa ng mambabatas.
Ang stadium ay itatayo umano sa 40 ektaryang lupa na gagamitin bilang entertainment complex, anunsyo ni Clark International Airport Corporation (CIAC) President Arrey Perez kamakailan.
Sisimulan na ang konstruksyon ng proyekto at target na matapos bago bumaba sa pwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa taong 2028.
Base sa lumabas sa survey kamakailan, nasa 31 milyong Pilipino o halos kalahati ng mahigit sa 100 milyong populasyong mga Pilipino ang nagugutom ngayon.
Pangunahing dahilan ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin.
Ayon pa sa mambabatas, bagama’t itatayo ang stadium sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP), kinuwestiyon pa rin ito ni Brosas dahil mas inuuna ng administrasyon ang kapakanan ng mga negosyante kaysa taumbayan.
Sa puntong ito, tinututulan ng mambabatas ang mga proyekto na ang makikinabang ay ang malalaking negosyo habang ang mga tao ang pumapasan sa malalaking ginagastos ng gobyerno.
Imbes aniya gamitin ang malaking pondo sa paggawa ng stadium sa Clark, Pampanga ay resolbahin muna ng gobyerno ang problema sa kawalan ng trabaho, serbisyo at ang reporma sa lupa.
Naiiba ata ang pokus ng administrasyon ni BBM, sa halip na kabuhayan para sa mamamayan nang mabawasan ang 31 milyong Pinoy na kumakalam ang sikmura, ay mas inuna pa nito ang 31 bilyong pisong stadium project sa Clark na binigyan ng prayoridad.
Tila nakalimutan na ni PBBM ang kanyang slogan noong 2022 presidential elections na “SAMA-SAMA TAYO NA BABANGON MULI”.
Kasama ba nila sa pagbangon ang taumbayan o baka sila lang ang babangon?
Nasa kalahati na ng kanyang termino si PBBM ngunit tila patuloy naman ang pagsirit sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahin bilihin.
Halos hindi na makahinga ang taumbayan sa mabilis na pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin, tumaas man ang arawang sweldo ng mga manggagawa mula sa dating P610 hanggang P645 ngayon, hindi pa rin ito sapat para makapamuhay nang maayos ang bawat pamilyang Pinoy.
Lalo na kung isasama pa ang mga gastusin sa pag-aaral ng mga bata, gamot, pagkain, damit at iba pa. Kailan pa kaya makaaahon ang lahi ni Juan dela Cruz?
oOo
Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
68