At Your Service ni Ka Francis
ANG paggalang sa mga magulang o nakatatanda ay nagsimula sa salitang latin na “respectus” na ang ibig sabihin ay “paggalang o pagtingin muli” na ang ibig sabihin ay naipakikita ang paggalang sa pamamagitan ng pagbibigay halaga sa isang tao o bagay.
Kilalang-kilala tayong mga Pilipino sa magkakaibang kultura, paniniwala at kaugalian, ngunit ang talagang nagpapakilala sa atin ay ang natatanging paraan ng pagbibigay respeto sa mga tao, partikular na sa mga matatanda.
Katangian nating mga Pinoy na magsanay ng kabutihan sa murang edad.
Ang paggalang ay ang pagpapalagay ng mabuting hangarin at kakayahan ng ibang tao o sa sarili.
Mahalaga ang paggalang sa pamayanan dahil tumutulong ito sa mga tao na makibagay sa ibang tao.
Ang paggalang ay nangangahulugan ng pagrespeto at pagmamahal, pagrespeto sa kapwa mo, sa kalikasan, sa hayop at iba pa.
Ang paggalang at pagrespeto ay isang ugali na nagpapakita na ikaw ay isang mabuting tao na mayroong pagpapahalaga sa iyong kapwa at sa iyong paligid.
Sa Pilipinas, ang pagpapakita ng paggalang sa mga matatanda ay isang tradisyon na napanatili nang maraming henerasyon.
Ang ‘honoring-gesture’ na tinawag na pagmamano ay nagsasangkot sa isang nakababatang tao na humihiling ng kamay ng isang matanda at marahang idinidikit sa kanilang sariling noo habang nakayuko.
Karaniwan ang kasanayan sa tuwing may bumibisita sa mga kamag-anak o nakasasalubong ang kanilang mga ninong o ninang.
Ang kulturang Pilipino ay lubos na naiimpluwensyahan ng parehong kaugalian at tradisyon sa Silangan at Kanluranin.
Mula sa kabataan, tinuruan ang mga Pilipino na igalang ang mga nakatatanda, hindi lamang sa loob ng pamilya, kundi maging ang mga nasa pamayanan din, hindi kilalang tao o kamag-anak.
Tayong mga Pilipino ay naniniwala na ang mga nakatatanda ay nakakuha ng respeto sa mga nakababatang henerasyon hindi lamang sa pamamagitan ng kanilang edad, kundi sa kanilang nakuha na karunungan at karanasan.
Ang kaugalian ng pagmamano ay nagmumula sa mga panahong pre-kolonyal, at sinusunod pa rin sa ilang mga bansa tulad ng Indonesia at Malaysia.
Ang tradisyong pagmamano ay ginagawa pa rin ng mga Pilipino upang igalang ang mga matatanda.
Isa itong kaugalian bilang paggalang, pagbati o pagkilala sa mas nakatatanda sa atin katulad sa mga magulang, mga lolo at lola, mga tiyo at tiya, at mga ninong at ninang.
Minsan pa nga kahit ang nakatatanda lalo na ang mga lolo at lola na hindi naman talaga kaano-ano, ay ginagawaran din natin ng paggalang na ito.
Dahil likas naman talaga sa mga Pilipino ang pagiging magalang, mayroon din tayong kaugalian na paggamit ng po at opo, ho at oho.
Minsan din, ginagamit ang mga salitang nabanggit bilang pagiging sweet sa ibang tao – kahit pa sa mas nakababata sa atin.
Ginagamit din ito sa pagiging sweet sa mga taong malapit sa atin – asawa, kasintahan o kaibigan.
414