PAGKILALA SA HUWARANG PUBLIC SERVANTS

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

LAMAN ng balita at social media nitong nakaraang linggo ang kaliwa’t kanang insidenteng kinasasangkutan ng mga personalidad na dapat sana ay kaisa ng pamahalaan sa pagsusulong ng pampublikong kaligtasan.

Sangkot sa mga road rage at isyu ng pagpositibo sa paggamit ng illegal na droga ang ilang miyembro ng kapulisan at isang dating sundalo.

Hindi maiiwasang mapailing dahil talaga namang nakadidismaya ang mga pangyayari lalo na para sa ating mga ordinaryong mamamayan na wala namang kapangyarihan. Paano na tayo kung ang mga tao na mismong dapat sana ay nagbibigay ng proteksyon sa publiko, ang magdudulot ng banta sa buhay at kaligtasan.

Nakakaapekto rin ang mga ganitong insidente sa pagtingin ng mga tao sa mga mayroong kapangyarihan, kaya pati ang mga nagtatrabaho nang maayos at tunay na naglilingkod sa komunidad at bansa kung minsan ay nadadawit na rin.

Nagkataon naman na nitong nakaraang linggo, may ilang mga public servant na kinilala dahil sa natatangi nilang dedikasyon na talagang magsilbi para sa ikabubuti ng kanilang kapwa.

Karapat-dapat talagang tularan ang 10 huwarang Pilipino na ginawaran ng parangal ng Metrobank Foundation, kabilang ang apat na guro, tatlong sundalo at tatlong pulis dahil ginagamit nila ang kanilang propesyon para makapaghatid ng magandang epekto at positibong pagbabago sa kani-kanilang komunidad. Sa kabila nga ng hindi magandang mga pangyayari, mayroon pa rin tayong mga maituturing na mga bagong bayani.

Kudos sa Metrobank Foundation dahil sa napakagandang inisyatiba na taunang pagkilala sa Outstanding Filipinos dahil ang mga pagkilala sa public servants at sa kanilang mga ginagawa para sa komunidad at sa bayan ay nagsisilbing magandang balita at nakapagbibigay ng inspirasyon lalo na sa mga taong nagbibigay ng serbisyo publiko.

Isa si Rex Sario mula sa Balogo Elementary School sa Bukidnon, sa nakatanggap ng Oustanding Filipino Award for Teachers. Tinagurian bilang “Bukidnon’s Icon for Transformative Education in the Modern Age” si Sario na gumawa ng proyektong naglalayon na i-transform ang silid-aralan para maging mas flexible at angkop sa modernong panahon.

Kasama rin sa mga pinarangalan sina June Elias V. Patalinghug mula sa Catalunan Grande Elementary School sa Davao City, Edgar R. Durana ng Don Jose Ynares Sr. Memorial National High School sa Binangonan, Rizal, at Jovelyn G. Delosa ng Northern Bukidnon State College sa Manolo Fortich, Bukidnon. Malaki ang papel ng mga gurong tulad nila dahil kabilang sila sa mga katuwang ng mga magulang sa pagpapalaki at pagtuturo ng kabutihang asal at kaalaman sa kabataan.

Bukod sa mga guro, pinagkalooban naman ng Metrobank Foundation ng Outstanding Filipino Award for Soldiers sina Ssg. Danilo S. Banquiao ng Philippine Army, Lt. Col. Joseph J. Bitancur ng Philippine Air Force, Col. Joseph Jeremias Cirilo C. Dator ng Presidential Security Group; at ng Outstanding Filipino Award for Police sina CMS Dennis D. Bendo, Maj. Mae Ann R. Cunanan, at Col. Renell R. Sabaldica.

Ang mga huwarang guro, pulis at sundalong Pilipino na ginawaran ng parangal, ayon sa Metrobank Foundation, ang nagpapakita ng tunay na kahulugan ng “beyond excellence” dahil sa pagsasabuhay nila ng kanilang piniling propesyon at pagbibigay serbisyo sa mga nangangailangan sa komunidad sa kabila ng iba’t ibang hamon at pagsubok.

Sa pamamagitan ng programang ito, umaasa ang Metrobank na makapagbigay, hindi lamang ng istorya ng pag-asa, kundi pati na rin ng inspirasyon na isapuso ang pagiging makabayan, at gamitin ang kanilang mga propesyon para magsilbi at makapag-ambag sa kani-kanilang pamamaraan, maliit man o malaki, para isulong ang ikabubuti ng marami pang Pilipino.

276

Related posts

Leave a Comment