PAGPUPUGAY KAY QUEZON GOV. HELEN TAN AT SA KANYANG MATATAG NA PAMAMAHALA

TARGET NI KA REX CAYANONG

SA ikalawang magkasunod na taon, binigyan ng ‘Unmodified Opinion’ ng Commission on Audit (COA) ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon.

Ang karangalang ito ay isang malinaw na salamin ng mabuting pamamahala na patuloy na isinusulong ni Gov. Helen Tan sa kabila ng limitadong pondo, para sa kapakanan ng lalawigan at ng mga minamahal niyang Quezonians.

“Tayo ay buong-pusong nakatuon sa patuloy na pagpapabuti ng ating mga sistema, pamamaraan, at polisiya para sa episyente at epektibong pagpapatupad ng mga proyekto at programa,” sabi ni Gov. Tan.

Noong Hulyo 26, 2024, nagdaos naman ng isang situation briefing si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa mga epekto ng Super Typhoon Carina at southwest monsoon sa Quezon Province.

Sa kanyang pagbisita sa munisipalidad ng Mauban, inilahad ng Local Government Unit (LGU) ang mga epekto ng tuloy-tuloy na pagbaha.

Kasama sa mga inilahad ay ang mga pinsalang dulot sa mga kabahayan, kondisyon ng mga daan sa panahon ng bagyo, pinsala sa imprastraktura, pagkalugi sa agrikultura, pagkagambala sa kuryente, tubig, at mga isyu sa transportasyon.

Pinag-usapan din ng LGU ang ilang mga proyekto na makatutulong upang mabawasan ang epekto ng pagbaha sa lalawigan, tulad ng pagtatayo ng baywalk o proteksyon laban sa storm surge, slope protection, flood mitigation, at drainage canal.

Bukod dito, sinuri ni Pangulong Marcos Jr. ang kasapatan ng tulong na naiparating sa 40 barangay na naapektuhan ng kamakailang pagbaha, tinitiyak na lahat ng anyo ng tulong ay naipadadala sa mga komunidad sa loob ng munisipalidad.

Samantala, masiglang tinanggap ng ilang mga barangay ng mga munisipalidad ng Lucban, Sampaloc, Mauban, at lungsod ng Tayabas, ang 15 multi-purpose vehicle mula sa pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni Gov. Tan at ng Kabalikatan Foundation Inc. sa isinagawang opisyal na turnover ceremony noong Hulyo 23 sa Quezon Convention Center, Lucena City.

Ang mga sasakyang ito ay malaking tulong sa bawat residente ng mga barangay sa nasabing mga bayan para sa mabilis na pagresponde at pagtugon sa kanilang pangangailangan.

Ang pagkakaroon ng mga bagong kagamitan na ito ay magbibigay ng karagdagang kapasidad sa mga lokal na pamahalaan upang mas epektibong maihatid ang mga serbisyong kinakailangan ng mamamayan.

Sa kabila ng mga pagsubok, patuloy silang nagkakaisa at nagsisikap upang mapanatili ang kapakanan at kaligtasan ng bawat isa.

Mabuhay ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon at ang masigasig nitong pamunuan, sa ilalim ni Gov. Helen Tan, sa kanilang walang sawang paglilingkod at dedikasyon sa bayan!

104

Related posts

Leave a Comment