PAGTAAS SA TRANSACTION FEES SA BANK ATMS

POINT OF VIEW

Gumagawa na naman ng paraan ang mga bangko para gawing gatasan at pagsamantalahan ang mga maliliit nating mga manggagawa sa kanilang patuloy na pagpapayaman sa pamamagitan ng planong pagtataas sa ipinapataw na transaction fees sa automated teller machines (ATMs)

Sapul lahat tayong gumagamit ng ATMs sa planong ito ng mga bangko, subalit higit na mapupuruhan dito ang milyun-milyong minimum wage earners na tumatanggap lamang ng mababang sahod at idinadaan ng kanilang employers sa ATMs.

Okey lang ito para sa mga malalaking depositors at may malaking sinasahod, pero para sa mga maliliit lang ang kinikita, ito ay malaking kabawasan na maaari pang mapakinabangan ng kanilang pamilya.

Karamihan sa mga nagtatrabaho sa factory o maging job orders sa gobyerno o endo ay sumasahod na sa pamamagitan ng ATMs, kaya kawawa naman ang kakarampot nilang kinikita ay mababawasan.

Sa planong ito, baka marami ng kompanya o pagawaan ang ibalik sa mano-mano at nakasobreng pagpapasahod, na malaki ring pahirap sa mga manggagawa dahil kailangan pa nilang pumila sa kanilang mga opisina para sumahod.

Nag-ugat ang plano ng mga bangko na taasan ang ATM fees makaraang alisin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang ipinatupad na anim na taong moratorium sa dagdag na singil.

Dahil dito nagbabalak ang mga bangko na magpatupad ng 50% increase sa ipinapataw na ATM fees, na sa tingin natin ay hindi naman makatwiran at paraan nang pananamantala sa mga maliliit.

Sa kasalukuyan, ang mga bangko ay kumokolekta ng P10 hanggang P15 sa bawat interbank transaction, gaya ng withdrawals at P2 para sa bawat inquiry.

At sa planong increase, inaasahan na ang dating P20 sa withdrawal ay magiging P15-P30 at ang dating P1 sa inquiry ay magiging P2.

Kaya pabor tayo sa panukala sa Kamara sa planong imbestigahan ang balak na ito ng mga bangko at magpatibay ng bagong batas na tuluyan nang alisin ang pagpapataw ng anumang transaction fees sa ATM ng mga bangko sa bansa.

Pero ang higit na makakapigil nito ay ang BSP dahil sila mismo ang mag-aapruba sa mga panukalang ganito ng mga bangko.

Dapat pag-aralan ng mabuti at bigyan ng timbang ang kapakanan ng mga maliit nating wage earners sa kanilang magiging desisyon sa planong ito. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

172

Related posts

Leave a Comment