PAKIKIALAM NG BANYAGA

ISANG hayagang pagpapamalas ng katampalasan – kung hindi man direktang pananabotahe – ang pasya ng American financial service giant na JP Morgan na ilagay ang Pilipinas sa pinakahuling pwesto ng mga bansang angkop dayuhin ng mga kapitalistang hangad ay magnegosyo sa Asya.

Ang dahilan – hindi nila suportado ang bagong halal na Pangulo.

Ang totoo, hindi naman binanggit ng JP Morgan sa kanilang isinapublikong kalatas ang pangalan ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, subalit may mga matibay na indikasyon ng kanilang disgusto sa pasyang inihayag ng mas nakararaming Pilipino sa idinaos na halalan.

Sa kalatas ng JP Morgan, halos ilarawan nila sa isang sugal na walang kapana-panalo ang ­pamumuhunan sa Pilipinas, na tila ba hinihimok nila ang foreign investors na huwag nang magnegosyo sa Pilipinas.

Anila, lubhang delikadong mamuhunan sa Pilipinas sa gitna ng mataas na inflation rate, sandamakmak na pagkakautang at posibleng gulong dala ng katatapos pa lang na halalan.

“We recommend selling into a possible post-election hope rally,” ang eksaktong tinuran ng JP Morgan sa kanilang ulat na ipinadala sa iba’t ibang pahayagan.

Ang resulta – bumulusok pababa ang Philippine Stock Exchange Index (PSEi) isang araw pagkatapos nilang ilabas ang kanilang ulat.

Paandar ng JP Morgan, nag-aalala lang sila sa umano’y napipintong pagbagsak ng maraming negosyo sa Pilipinas.

“Philippines equities face myriad challenges, including twin deficits, higher inflation, slower government spending in the quarters after the election (transition pain), high public debt, risk of a valuation derating and potential earnings growth disappointment,” ayon sa JP Morgan.

Ang tanong, ekonomista ba talaga ang gumawa ng JP Morgan report? O baka naman isa lang pipitsuging manghuhula. Dangan naman kasi, minamaliit ng JP Morgan ang mga Pilipino na higit na kilala sa angking kakayahang bumangon sa pinakamabigat na hamon sa mga nakalipas na panahon.

Saan ka ba naman kasi nakakita ng mga pumupusturang henyo sa larangan ng ekonomiya pero ang ginamit na basehan ay ang resulta ng halalan?

Sa JP Morgan, huwag niyo kami maliitin. Hindi niyo kakayaning tumindig sa pinakamahirap na yugto ng aming kasaysayan. Huwag niyo kaming takutin gamit ang inyong impluwensya sa

Amerika. Kung nalagpasan namin ang 345 taong pananakop ng banyaga, idagdag mo pa ang lintek na pandemya – kayo pa kaya?

Hindi na kailanman magpapadikta ang Pilipinas sa mga imperyalista!

100

Related posts

Leave a Comment