PAKO PA SA KABAONG NG MAGSASAKA

MULA noong Enero 1, 1995, naging miyembro ang Pilipinas ng World Trade Organization (WTO) matapos makalusot noon sa Senado ang kasunduang ito ng mga bansa sa mundo para sa palitan ng mga produkto, serbisyo at intellectual property ng mga bansa nang walang balakid at pagbaba ng taripa o buwis.

Ang noo’y Senador na si ­dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang namuno noon sa Senado para sa pagratipika sa nasabing kasunduan sa kabila ng matinding pagtutol noon ng iba’t ibang sektor tulad ng mga magsasaka.

Tinututulan ang WTO membership dahil walang laban ang Pilipinas sa ibang bansa ­pagdating sa palitan ng mga produktong pang-agrikultura dahil hindi moderno ang sektor na ito tulad ng ibang bansa lalo na ang China at Amerika, at iba pang bansa sa Europa.

Kaya ang pangako noon, sige gawing moderno ang pagsasaka sa bansa pero hanggang ngayon, hindi natupad ‘yun dahil gumagapang pa rin sa hirap ang mga magsasaka at lalo pa silang pinagapang dahil sa mga produkto na galing sa ibang bansa na bumabaha sa ating bayan.

Maging ang garment sector ay unti-unting namatay at patuloy na naghihingalo hanggang ngayon dahil wala silang laban sa mga ready to wear (RTWs) na bumabaha sa ating bansa na karamihan ay mula sa China.

Ngayon ay may nakasalang sa Senado na panibagong kasunduan na katulad ng WTO na tinawag na Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) free trade agreement.

Kung ang WTO ay pang-buong mundo, itong RCEP sa unang tingin ay para lang sa mga miyembro ng Southeast Asian Nation (ASEAN) pero kasama riyan ang China (na naman), Australia at New Zealand.

Paano tayo lalaban sa China na pinanggagalingan ng mga smuggled agri product eh walang excess sa produksyon ng pagkain sa ating bansa at kung may sobra man ay itinatapon dahil walang pasilidad na paglalagakan para hindi masira agad?

Sa Vietnam at Thailand, wala tayong laban sa kanila ­pagdating sa pagsasaka ng palay kaya anong armas ang gagamitin at paano tayo makakasabay man lamang sa kanila kung napapabayaan ang sektor ng pagsasaka.

Sa katunayan nga, ­maraming hirap na magsasaka ngayon. Gumagastos sila ng krudo para patubigan ang kanilang palayan dahil hindi regular ang serbisyo ng irrigation sa kanilang lugar.

Malamang itong RCEP na ito, ay panibagong pako sa kabaong ng mga magsasaka sa ating bansa kaya dapat matuto ang mga senador sa karanasan sa WTO.

172

Related posts

Leave a Comment