PALPAK NA NLEX, MMDA, PNP-HPG AT IBA PA

TINGNAN NATIN

PARA sa mga gaya natin na tagaprobinsya, ang banggit pa lamang ng pagluwas sa Metro Manila ay nakapapagod na dahil nga sa buhul-buhol na daloy ng trapiko na malamang bubunuin.

Tingnan Natin: sa kahabaan ng EDSA, mula Balintawak, QC hanggang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), umaabot na ng 2-4 na oras ang biyahe, kasinghaba o doble pa mula Subic hanggang Balintawak. Ganoon din pabalik.

Naniniwala tayo na sa kabila ng volume ng mga sasakyan, maiiwasan ang sobrang bagal o patigil-tigil na daloy ng trapiko kung: isa, alam ng mga kinauukulan ang kanilang ginagawa; pangalawa, ginagawa nila ang dapat gawin; at, pangatlo, may disiplina ang mga motorista, pampubliko o pribado.

Sa mga u-turn slots, inookupahan ng mga mag-u-u-turn halos lahat na ng lanes. Iyong iba, mula kanan ay humahambalang papuntang u-turn slot, bagay na humaharang sa mga makakadaan sanang ibang sasakyan.

Ang enforcers naman, kung mayroon man, ay nakatu¬nganga lang. Kapag may pinigil dahil sa number coding, doon sila nagkukumpulan, para bang ang tanging paglabag lamang na binabantayan ay iyon lang – number coding.

Pili rin ang oras ng mga enforcers at mga tauhan ng PNP Highway Patrol, hindi sila tuluy-tuloy sa pamamahala ng trapiko, at kung ma-traffic na, saka lamang sila poporma na wala nang epekto dahil malala na.

Tingnan Natin: parang ayaw na nilang magtrabaho kapag umuulan, mainit ang sikat ng araw o kaya’y gabi na. Dapat ba iyon?

Ito namang mga motorista, alam naman dapat ang dapat at hindi dapat, wala ring pakundangan sa pagmamaneho, wala sa tamang lane, o kaya’y nagpupumilit sa hindi dapat lugaran.

Peste rin ang mga riders  na parang mga kutong kung saan-saan lumulusot, at kapag nakasagi naman, akala mo ina¬aping nagsasabing walang pambayad sa sinabitan.

Tingnan Natin: ito rin mismong North Luzon Expressway (NLEx) Toll Balintawak Plaza, sala-salabat ang patungong toll gates, lalo na ang palabas ng Metro Manila patungong Norte.

Ang masaklap pa, magkapareho ang kulay ng ilaw ng RFID (Radio-frequency identification) at Easy Trip lanes na hindi naman uubra kung hindi mismong RFID o Easy Trip ang gamit.

Ang Tanong: may isip ba ang mga namamahala ng NLEx? Parang wala at kung mayroon man, hindi ginagamit. Maitutuwid kaya nila ang kapalpakan? Tingnan Natin! (Tingnan Natin / Vic V. Vizcocho, Jr.)

141

Related posts

Leave a Comment