PUNA ni JOEL O. AMONGO
LUMALABAS na tatlo katao ang magkakasabwat sa pagpatay sa radio broadcaster habang naka-live sa Facebook sa kanilang bahay noong Linggo, Nobyembre 5, 2023 sa Calamba, Misamis Occidental.
Ayon sa natanggap na impormasyon ng PUNA, pagkatapos na pagbabarilin si Juan Jumalon o mas kilala bilang si “DJ Johnny Walker”, ng isa sa tatlong suspek, ay tumakas ang mga ito.
Paglabas umano ng dalawang suspek ay may nakaabang na palang motor sa labas ng bahay ni Jumalon na siya nilang ginamit sa kanilang pagtakas.
Bago pa tumakas ang mga suspek ay pinaupo at tinutukan pa ng baril ng isa kanila ang isang lalaki sa labas ng bahay ni Jumalon.
Naglabas na ang pulisya ng facial composite sketch ng isa sa mga suspek para sa pagkakakilanlan nito para makatulong sa pag-aresto sa mga ito.
Ito ay computer-generated based descriptions ng isa sa mga suspek na ibinigay ng mga testigo na nakakita sa pangyayari.
Agad naman naglabas ng P100K reward money ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) para sa makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga suspek.
Sa phone interview kay Usec. Paul Gutirrez, executive director ng PTFoMS, kaya naglabas ng nasabing reward money na P100K ay para mapabilis ang paghuli sa mga suspek.
Sinabi pa ni Gutierrez na isa sa tinitingnang mga anggulo ng pulisya ngayon ay ang posilibidad na away sa lupa ang maaaring dahilan ng pagpatay kay Jumalon.
Napag-alaman na ang awayan sa lupa ng pamilyang Jumalon at katunggali nito ay umabot pa sa korte sa nasabing lugar.
Sa panayam ng ilang taga-media sa misis ni Jumalon, hindi naman mahilig bumatikos ang biktima, ordinaryong greetings lamang at public service ang tinatalakay nito sa kanyang programa sa Facebook Live.
Wala rin umano silang napag-alaman na kaaway si Jumalon na posibleng dahilan ng pagpatay sa kanya.
Si Jumalon, 57-anyos, ay dati ring nagsilbing konsehal ng bayan ng Calamba ng lalawigan ng Misamis Occidental.
Sana nga maresolba agad ang pamamaslang na ito, upang hindi muling mabansagan ang Pilipinas na pinakadelikadong lugar sa buong mundo para sa mga journalist.
Ang brutal na pagpatay kay Jumalon ay umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga kapwa mamamahayag, mambabatas, Commission on Human Rights, international community at ordinaryong mamamayan matapos makunan ng video ang pamamaril sa kanya na nag-viral sa social media.
oOo
Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com
251