ISANG sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng ating Bantay OFW Monitoring Center ang aking natanggap mula kay Julius Reales na nasa Al Khobar Saudi Arabia.
Ayon sa sumbong ni Julius Reales “wala sa tamang oras ang sweldo ko at tatlong buwan nang delayed ang aking sweldo”.
Si Julius ay may pamilyang umaasa sa kanya na may regular na pangangailangan. Ang pagpalya o delayed na sweldo ay mangangahulugan ng pagkukulang sa araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya. Kaya siya ay nanawagan sa kanyang ahensya na Global Asia Alliance Consultants, Inc. na kausapin ang kanyang employer upang sa ganoon ay maitama ang problema na kanyang kinakaharap sa kasalukuyan.
Samantala, nanawagan din si James Mendoza na kasalukuyang nagtatrabaho sa The Palms Hotel sa Kuwait. Ayon sa sumbong ni James sa Bantay OFW monitoring center ay “’Di po pantay ang pagtrato pagdating sa schedule at ‘di nagbabayad ng overtime at holiday pay.”
Si Mendoza ay nakara-ting sa Kuwait sa pamamagitan naman ng Jobsmanila International Inc. (formerly Achica International Placement Agency) kung kaya tayo ay nanawagan din sa kanyang ahensya sa pamamagitan ni MaritesJoan G. Quezon na kung maaari ay kanilang kumustahin ang mga OFW na kanilang dineployed sa The Palms Hotel sa Kuwait.
Alalahanin sana ng mga ahensya na sa maliit na bagay na nirereklamo ng kanilang mga deployed workers nagsisimula ang malalaking problema, kaya kung maaari ay huwag nilang balewalain ang anuman ang ating ipinaparating sa kanilang sumbong o reklamo ng ating mga kabayani.
Hindi hangad ng ating kolum na makipagbanggaan sa sinumang ahensya. Ang Bantay OFW ay nagiging daan lamang ng ating mga kabayani upang maiparating ang kanilang problema saan mang sulok sila ng mundo. (Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
oOo
Hinihikayat natin ang lahat ng OFW o maging ang mga paalis pa lamang ng Pilipinas na mag-download ng Bantay OFW monitoring apps na libre sa android play store. Dahil sa pamamagitan ng Bantay OFW monitoring apps ay regular nating makukumusta ang lahat ng ating mga kabayani saan mang sulok sila ng mundo.
152