PARI MGA TAO RIN LAMANG

FOR THE FLAG

Ilang mga pangalan ng pari ang lumabas na umano’y nakikipag-usap kay alyas ‘Bikoy’ na s’yang naglabas ng mapanirang video series na pinamagatang “Ang Totoong Narco-list.” Nais umano ng mga pari na nabanggit ni Bikoy na pabagsakin ang pamahalaan.

Bukod diyan, ilang mga pari na rin ang napabalitang nang-abuso ng mananampalatayang Katoliko. Isang napakalaking eskandalo noong panahon ni Pope Benedict ang pagkakabulgar ng mga pang-aabuso ng founder mismong pari ng isang sekta sa loob ng Katolisismo, na maaaring naging totoong dahilan ng pagbibitaw ng nasabing papa.

Normal na reaksyon po ‘yan. May isa akong estudyante rin noon na namolestiya ng pari. Maaaring nakakalimutan po natin na mga tao rin po sila, katulad natin sila rin po ay may pakiramdam.

Palagay ko ay lubhang na-overestimate kasi ng taumbayan ang mga pari kung kaya’t kapag nagkamali sila ay ganoon na lamang ang muhi ng mamamayan sa kanila. Bukod sa pangmomolestiya ay nadawit din ang ilang pari sa korapsyon ni Janet Napoles. Maging sa panahon din ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil umano sa pagtanggap ng mga sasakyan na binili ng salaping mula sa kaban ng bayan.

Maaaring may mga paring nagkakamali, ngunit hindi naman po maaaring lahatin natin sila. Ako ay nagsilbing sakristan noon mula Grade IV hanggang Grade VI sa parokya ng Immaculate Concepcion sa Siyudad ng Marikina. Hirap ang buhay ng aming pamilya kung kaya’t naging malaking tulong sa akin ang pagbibigay ng pang-araw-araw na baon sa akin ni Fr. Felix Ignacio, ang aming parish priest noon.

Araw-araw ‘yan ay nagsisilbi ako sa mga misa at katuwang ni Fr. Ignacio. Palasigaw at palamura siya, marahil dahil sa kanyang katandaan. Ngunit kinakitaan ko siya ng kabaitan na paminsan ay naaabuso ko pa nga dahil nahihingan ko pa siya ng panlibre sa mga kapwa ko sakristan.

Bawat tao ay nakikipaglaban sa mga hamon ng buhay na umaasang mapanatili ang kabutihan ng kalooban, ngunit dahil sa kahinaan ay bumibigay at nakagagawa ng kamalian. Sapagkat ang buhay ay parang agos, tuluy-tuloy ang pakikipagsapalaran ng bawat nilalang at sa bawat patak ng segundo ay nanatiling may pag-asa ng pagbabago kung ipahihintulot ng Panginoong Hesus. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

115

Related posts

Leave a Comment