PERA-PARAAN SA PALIPARAN

HINDI na bago ang diskarteng pilipit sa mga tanggapan ng pamahalaan. Marami ang ­gumagawa ng pera sa paraang ­pandurugas. Meron din naman ­nangingikil at ang iba’y tumatabo sa komisyon sa bonggang ­proyektong isinusulong.

Sa malaking kahihiyang dulot ng aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), marami ang nagduda. Dangan naman kasi, una nang lumutang ang masidhing planong pagsasapribado ng paliparan.

Totoong nakadududa ang aberya sa NAIA kung saan nasa 56,000 biyahero at tone-­toneladang kargamentong lulan ng hindi bababa sa 361 domestic at international flights ang naantala. Higit pa sa perwisyo sa mga pasahero, nalagay rin sa peligro ang biyaherong lulan ng mga sasakyan sa himpapawid.

Kung babalikan ang mga huling araw ng 2022, nagwika ang kalihim ng Department of Transportation. Pag-amin ni Sec. Jaime Bautista, isinusulong ng administrasyon ang ­pagsasapribado ng paliparang ikatlo sa talaan ng worse airports sa buong mundo.

Nagkataon lang nga ba? O sadyang pinaralisa ang operasyon sa NAIA para bigyang katwiran ang kapritso ng ilang hangad lang ay tumiba? Ang masaklap, walang konsultasyon sa hanay ng mga apektadong sektor.

Matapos ang agaw-eksenang tagpo sa NAIA, umugong ang panawagang pagbibitiw ni Bautista at dalawang iba pa – sina Director ­General Manuel Tamayo ng Civil Aviation ­Authority of the Philippines at Cesar Chiong na hinirang na general manager ng Manila International Airport Authority.

Bukod sa pagsasapribado ng NAIA, duda rin ang mga eksperto sa P13 bilyong hirit ng CAAP para sa kinakailangang “upgrade” ng teknolohiyang kalakip ng air traffic ­management system (ATMS) para ‘di na umano mangyari pang muli ang aberyang idinulot ng pagpalya ng Uninterrupted Power System (UPS).

Susmaryosep! P13 bilyon ba kamo? Parang buong pasilidad ang papalitan, ayon kay Dwayne Lee na kinikilala sa larangan ng aviation.

Aniya, kapalpakan ang dahilan ng ­aberya. Dagdag pa niya, hindi kailangan ng P13 ­bilyon para sa upgrade ng ATMS sa NAIA. Sa kanyang pagtataya – dalawang milyon lang ang ­gagastusin ng pamahalaan para mapalitan ang palyadong UPS ng apat na unit ng dekalibreng 6.5kva.

30

Related posts

Leave a Comment