Talung-talo tayo sa privatization at liberalization program ng gobyerno mula noong 1997 dahil imbes na gumanda ang buhay ng mga tao at umayos ang serbisyo tulad ng ipinangako ng gobyerno, noon hanggang ngayon ay hindi ito nangyari.
Unang isinapribado ang water service noong 1997 dahil sa water crisis na naranasan ng bansa noong 1995 kaya ibinigay sa pribadong negosyante ang serbisyo sa pangakong gaganda ang serbisyo ng tubig at tiniyak din na hindi magkakaroon ng krisis.
Pero ang nangyari, nitong Marso, nakaranas ng water interruption sa supply ng tubig ang customers ng Manila Water at sumunod ang Maynilad dahil bumaba ang water level sa Angat Dam. Hindi nasunod ang concession agreement na hindi magkakaroon ng krisis sa tubig.
Isinapribado ang mga ari-arian ng gobyerno tulad ng Petron kasabay ng liberalisasyon sa sektor ng oil industry dahil sa pangako noon ng gobyerno na kapag hinayaan ang mga kompanya ng langis na magdesisyon ng kanilang sarili sa pagpipresyo ng kanilang mga produktong petrolyo ay makikinabang ang consumers.
Magkakaroon daw ng kompetisyon ang mga kompanya ng langis at tiyak na magpapababaan sila ng presyo pero ano ang nangyari? Hindi na naman natupad ang pangakong ito.
Mula noon hanggang ngayon, wala tayong nakitang kompetisyon sa oil industry dahil kapag nagkaroon sila ng oil price hike ay sabay-sabay at pare-pareho ang kanilang presyo pero hindi raw sila nag-uusap ha.
Kung mayroon mang kompetisyon sa hanay ng oil companies ay ‘yung pagandahan sila ng give-away na hindi naman give-away dahil ibinebenta rin naman nila basta makapagkarga ka ng idinikta nilang halaga.
Napakarami pa ring mga kompanya na dating pag-aari ng gobyerno ay isinapribado dahil ayaw daw ng gobyerno na kompetensiyahin ang mga pribadong sektor sa pagnenegosyo.
Mukhang mali dahil bakit ang Singapore, lahat ng mga malalaking negosyo ay mayroon silang share? Bakit sila asensado samantalang ang mga bansang sumunod sa dikta ng western world na privatization at liberalization ay gumagapang pa rin sa hirap?
Ang consumers, may pakinabang ba? Wala, dahil mataas pa rin ang presyo ng bigas ngayon kahit bumaha ng imported rice sa bansa dahil sa liberalisasyon. Pangakong hindi na naman natupad. (DPA / BERNARD TAGUINOD)
125