RAPIDO ni PATRICK TULFO
TOTOO kaya ang balita na ang isang politikong kilalang malapit na kaalyado ng isang dating mataas na politiko ay maituturing nang isang bilyonaryo?
Ayon sa aking source, pag-aari na umano ng politikong ito (kapartner ang dating politiko) ang isa sa malaking hotel sa Ortigas sa Pasig.
May “front” umano ang mga kilalang politiko na ito, na dating miyembro ng gabinete ni dating politiko.
Hindi raw idinedeklara ni politiko ang nasabing hotel sa kanyang SALN (Statement of Assets, Liabilities and Networth) dahil lalabas na isa na siyang ganap na bilyonaryo.
Kasalukuyang aktibo sa pulitika ang bilyonaryo na nagsimula lang bilang kadikit ng dating politiko. Kung noong una siyang umupo sa mataas na posisyon ay mayroon siyang mahigit sa P20 milyon na networth, bago matapos ang kanyang term ay isa na siyang ganap na bilyonaryo dahil sa pagbili nito ng mga ari-arian kabilang na ang isang hotel.
Isang kababayan nating OFW sa Alkhobar, Saudi Arabia ang lumapit sa inyong lingkod upang humingi ng tulong na siya ay makauwi na sa Pilipinas.
Ayon kay Kabayan, ang kanyang mga anak ay iniwan niya sa kanyang ama at tyuhin. Sa kasamaang palad, namatay na umano ang kanyang tiyuhin at na-stroke naman ang kanyang ama, kaya lumalabas ay wala nang nag-aalaga sa kanyang mga anak na hindi na nakapapasok sa eskwela.
Sa kasalukuyan umano ay nandoon na siya sa kanyang agency sa Alkhobar na Jawa Human Resources at naghihintay ng tulong mula sa kanyang agency dito sa Pilipinas.
Tinawagan namin ang nasabing agency dito sa bansa, na Rensol Recruitment and Consulting Inc., dito ay nakausap namin si Ginoong Tristan Lazo.
Inilapit namin kay Ginoong Lazo ang concern ng OFW na gusto nang umuwi. Pero imbes na sabihin na mag-iimbestiga sila at aalamin ang tunay na lagay ng OFW ay tila ni-lecturan pa niya kami tungkol sa patakaran ng mga recruitment agency.
Hindi naman namin ilalapit sa kanila ang kaso ng OFW kung hindi namin alam ang proseso at kung hindi namin naiintindihan ang aming trabaho bilang miyembro ng media, dahi baka nagdadahilan lang daw itong si Kabayan at gusto lang talagang umuwi.
Boss, unang-una, kayo ang nagpaalis sa OFW na ‘yan, tungkulin n’yong alamin kung ano ang totoong lagay n’ya at kung totoo ang kanyang hinihinging tulong. Hindi namin sinasabi na pauwiin n’yo na agad-agad. Bagkus, alamin n’yo bilang counterpart ng ahensya sa Saudi, kung nararapat ba siyang tulungang umuwi o hindi pa.
Tungkulin naming ilapit sa mga recruitment agency ang kaso ng kanilang mga pinaalis na OFWs dahil hindi naman makapupunta ang mga ito sa ibang bansa kung hindi dahil sa kanila. Bukod pa sa katotohanan na kumikita ang mga agency na ito sa pinagpaguran ng mga kababayan nating OFW.
187