POSITIBO’T NEGATIBONG DULOT NG SOCIAL MEDIA

AT YOUR SERVICE Ni Ka Francis

MARAMING tao ang nabigyan ng hanapbuhay pagdating ng social media sa henerasyong natin ngayon.

May kumikita sa mabuting paraan tulad ng online selling, delivery riders at iba may kinalaman sa social media.

Dahil sa online selling maraming mga Pilipino ang yumaman.

Marami rin tayong natuklasan na mga kaalaman sa pamamagitan ng social media dahil may tutorial na mapapanood tayo sa online, maging sa negosyo, medical at iba pa.

Tulad halimbawa ang mga sakit kung paano natin ito maiiwasan.

Makakukuha na rin tayo ng mga kaalaman kung paano natin maiiwasan na mabiktima ng mga kriminal dahil may online na rin ang Philippine National Police (PNP).

Kung may mabuting dulot ang social media sa buhay ng mga tao, marami rin namang negatibong dala nito.

Sinamantala ng masasamang tao ang social media para pagkakitaan nila ang mamamayan.

Maraming nagpapanggap na kunwari ay legit ang kanilang online selling, pero pagdating sa umorder, peke ang produktong dumarating.

Kasabay ng pagdating ng social media ay naglabasan din ang mga scammer.

Nariyan din ang raffle promo gamit ang social media.

Kunwari legit, sa halagang P150 hanggang P500 mananalo ng kotse.

May raffle promo rin sa housing sa pamamagitan ng social media.

Modus ng mga ito, gagawa sila ng social media account (FB Page) para gamitin nila sa transaksyon.

Dito ilalagay kunwari ang schedule ng raffle promo at maging ang kanilang premyo na may litrato pa ng kotseng mapapanalunan ng mga sasali.

Ang siste, pagka nakakolekta na ng malaking pera ang scammer ay biglang mawawala ang kanyang FB Page.

Pagkatapos nito ay magbabago ng diskarte ang scammer, ganoon pa rin, gamit niya pa rin ang social media.

Malaking tulong sana ang social media para sa kabuhayan ng mga tao,

‘yun nga lang, inaabuso ng tao.

Suhestiyon natin sa Department of Information and Communication Technology (DICT) at mga awtoridad na magawan nila ng paraan na mawala itong mga scam gamit ang social media account.

At sana malaman nila kung legit ba o hindi ang online selling nang hindi na dumami pa ang mabiktima.

Nang sa gayon ay maprotektahan naman ang mga legit na naghahanapbuhay gamit ang social media platform.

Nakasisira kasi sa legit online selling business ang mga scammer.

92

Related posts

Leave a Comment