PRAYORIDAD HINDI DISKRIMINASYON

FOR THE FLAG

Isang kabandila natin ang sumulat sa inyong lingkod upang ipaalam ang sitwasyon ng mga people with disability at mga senior citizen sa ating mga drugstore.

Ayon sa kanya, bagama’t nakakakuha sila ng discount sa kanilang mga gamot na binibili sa mga drugstore, may mali umano sa klase ng pag-estima sa kanila.

Ang inaakala nating express lane sa mga drugstore na naka-dedicate sa mga senior citizen at PWD ay nagmimistulang discrimination lane pala, ayon sa ating message sender.

Sa nasabing lane ay isa-isa ang pag-estima ng mga drugstore attendant sa kanila na lalong nagpapatagal at nagpapa-haba lamang ng kanilang pila, samantalang sa normal na mga lane ay sabay-sabay ang pagkuha ng mga pinamimili at marami ang mga naka-assign na mga sales attendant kaya mabilis.

May katwiran ang ating message sender, mas nakakawawa tuloy pala ang ating mga senior citizen at mga PWD na kina-kailangang tumayo at maghintay ng napakatagal sa pila habang pinapanood nila ang mabilis na serbisyo sa mga able customer ng drugstore.

Baka akala ng mga drugstore na ito na ang discount na ibinibigay sa mga senior citizen at mga PWD ay kinakaltas sa kita nila. Mali po, dahil ang mga discount na ‘yan ay mismong ang taumbayan ang pumapasan. In short, pareho rin ang kita nila mula sa mga customer na senior citizen at mga PWD at mga able customer. Sa ganang akin e baka mas malaki pa nga ang benta nila sa mga PWD at senior citizen dahil sa mga maintenance medicine at sari-saring gamot at vitamin na inirereseta ng kani-kanilang mga doktor.

Mas magandang lumikha na talaga ng totoong express lane ang mga drugstore para sa mga senior citizen at mga PWD. Dagdagan ang mga attendant na nag-aasikaso sa kanila dahil maraming binibili ang mga ‘yan kaysa sa karaniwan para kahit magsabay-sabay ang dating nila sa tindahan ay hindi sila mag-suffer sa pagkakatayo at paghihintay.

Sa ating mga kabandila na may nais isumbong, ipaalam o ihingi ng tulong ay maaaring i-email ang FLAGG, o Filipino League of Advocates for Good Governance sa filipinoleagueofadvocates@gmail.com. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

140

Related posts

Leave a Comment