PROTEKSYON SA MGA EMPLEYADO KAILANGAN – SEN. POE

Badilla Ngayon

ISA si Senadora Grace Poe sa mga senador na ­naghahangad na magkaroon ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN Corporation.

Ito’y dahil napakalaking usapin kay Poe ang trabaho ng mahigit 11,000 empleyado ng ABS-CBN.

Gusto ni Poe na ma­bigyan ng “proteksyon” ang trabaho ng mahigit 11,000 empleyado ng “Kapamilya” network katulad nang pagnanais ng iba pang senador at Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang prangkisa ng ­ABS-CBN na nagsimula noong Marso 30, 1995 ay magtatapos ngayong Marso 30.

Kinakatigan ko ang “malasakit” ni Senadora Grace Poe sa mga manggagawa, sapagkat ang lahat ng mga journalist sa bansa ay hindi maipagkakailang ­napakalapit sa puso at isipan ko.

Alam na alam ‘yan nina lider-manggagawa Wilson Fortaleza ng Partido Manggagawa (PM), Atty. Jose Sonny Matula ng Federation of Free Workers (FFW) at Leody de Guzman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Gusto ni Poe na pag-usapan at busisiin ang mga ­panukalang batas ukol sa bagong prangkisa ng ABS-CBN na tatagal ulit ng 25-taon at matiyak na mananatiling mayroong trabaho ang mahigit 11,000 empleyado ng ABS-CBN hanggang matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30, 2022.

Hangad maibigay sa ABS-CBN ang panibagong prangkisa, sapagkat naniniwala si Poe na hindi wasto at hindi makatarungang mawalan ng trabaho ang mga manggagawa dahil buhay nila at ng kani-kanilang pamilya ang nakasalalay dito.

Sabi ni Poe sa kanyang press statement: “Hindi biro kung matitigil ang operasyon dahil alam naman natin na 11,000 tao ang apektado rito.”

Totoo naman ang punto ng mambabatas sapagkat sikmura ng libu-libong tao at pamilya nila ang nakasalalay sa prangkisa ng ABS-CBN.

Sana, ganito rin ang nararamdaman ng iba pang mga senador, partikular iyong mga kasapi ng Senate public services committee na pinamumunuan ni Poe.

Ayon kay Poe: “Walang duda na may serbisyong ­ibinibigay ang network ng ABS-CBN pero ito’y ­timbangin natin — ang serbisyo ba na ibinibigay ng ABS-CBN ay akma o kayang isa-isantabi ang mga kakulangan nito.”

Sa tingin ko, ang mga pagkukulang na ito ay ipapawasto ng komite ni Poe kapag nakarating na sa kanila ang usapin ng prangkisa ng ABS-CBN mula sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Ang pagwawasto ay siguradong magaganap, sapagkat naghain ng Senate Resolution No. 322 para sa kontrobersiyang ito.

Napakagandang subaybayan ang isyung ito tungkol sa mga manggagawa ng ­­ABS -CBN.

Sana, imbitahan ng komite ni Poe sina Fotaleza, Matula, De Guzman at iba pang lider-manggagawa na dalubhasa sa isyu ng manggagawa.

Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271. NELSON BADILLA

 

 

100

Related posts

Leave a Comment