HINDI matatawaran ang kontribusyon ng tinatawag na mga bagong bayaning Pilipino na sukdulang makipagpatintero sa peligro at kalungkutang dala ng distansya sa kanilang pamilya kapalit ng mas malaking kita.
Sila ang overseas Filipino workers na pinagmumulan ng malaking bahagi ng dollar reserves ng ating bansa. Sila rin ang pumupuno sa kakulangan sa manggagawa ng ibang estado.
Pero gaano nga ba ang malasakit ng gobyerno sa kanila?
Kung babalikan ang kasaysayan, marami na sa kanila ang umuwing luhaan makaraang dumanas ng kalupitan, kahalayan at panggigipit ng mga among napasukan nila. Hindi rin mawawaglit ang ilan sa mga Pinoy na hindi na nakabalik nang buhay sa Pilipinas.
Sa kabila ng nagkalat na mga embahada, patuloy na dumarami ang tinaguriang “OFWs in distress” – hindi pinapasahod nang tama, halos ituring na alila, mga sinasaktan, hinahalay, ginugutom, binababoy. Ilan lang ‘yan sa masaklap na mga kwentong mula mismo sa kanila.
Taliwas naman ang tingin sa kanila sa tuwing sasapit ang halalan – dinadayo para ngitian, kamayan, suyuin, pangakuan at iba pang gimik sa hangaring masungkit ang matamis na oo pagsapit ng takdang araw ng eleksyon.
Sa isang banda, tama lang naman na gumimik ang mga politiko. Sino ba naman kasi ang tatanggi sa suporta ng sektor na may katumbas na 1.7 milyong boto?
Ito rin marahil ang dahilan kung bakit halos ituring na dugong bughaw ng mga kandidato ang mga OFW sa ibayong dagat at ang kanilang naiwang pamilya sa Pilipinas.
Ang siste, may ilang segurista. Katunayan, sa unang araw pa lang ng overseas absentee voting noong Abril 10, agad na sumingaw ang mga bulilyaso. Ayon sa naglabasang mga ulat, markado na ang mga espasyong nakalaan sa posisyon ng party-list sa balotang ipinamahagi sa botanteng OFWs sa Singapore at Dubai.
Gayundin sa Hong Kong, North America, New Zealand, Pakistan at Timor Leste.
Ang galing ‘di ba?
123