ANG SAKSI ang isa sa unang nakapansin at naglathala sa pamamagitan ng aming Editoryal nang nauukol sa Community Pantry na sumibol sa kalye Maginhawa sa Diliman, Quezon City.
Sa simula ay hindi naman ito masyadong pinapansin hanggang sa dumami na nang tuluyan ang mga residente sa lugar na pumipila para makakuha ng kanilang kailangan.
Nagdatingan na rin ang iba’t-iba pang tulong at supply o sabi nga ay mga ‘essentials’ mula sa mga may mabubuting kalooban na yung iba ay galing pa sa iba’t-ibang lalawigan.
Pagkatapos ng kalye Maginhawa, nasundan ito ng isa pang Community Pantry sa kalye Matiyaga at pagkatapos ay nagkaroon na rin sa P. Noval sa lunsod ng Maynila hanggang sa hindi na mabilang ang dami nito sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Pati nga ang headquarters ng Eastern Police District ng Philippine National Police sa lungsod ng Pasig ay nagtayo na rin ng tinawag naman nilang EPD PaMaMariSan Pantry na ngayon ay dinadayo na rin sa kasalukuyan.
Maganda ang layunin at ito ay kusang loob na ginawa at sinimulan ni Ana Patricia Non, 26 anyos na entrepreneur sa kalye Maginhawa na kilala sa QC na lugar kung saan ang mga bahay ng mga residente ay ginawang mga kainan at madalas na dinadayo kahit ng ibang mga taga lungsod sa Metro Manila.
Ang sabi nga sa Editoryal natin na nailathala kamakailan, kahit pa may magkakaiba tayong pananaw at paniniwala, madalas pa nga ay nagbabangayan, pero hindi matatawaran ang ating pagdadamayan. Basta sa panahon na kailangan natin ang isa’t isa ay naririyan ang bayanihan at pagtutulungan.
Yun lang mukhang kinulang na naman sa TALINO at pagiging MAAGAP ang pamahalaang lungsod ng Quezon City. Hinayaan nilang dumami nang dumami ang mga tao na pumipila sa community pantry at hindi man lang binigyang proteksyon ang may pasimuno ng ganitong bayanihan.
Nakatanghod lang at nakatunganga sa pasimula ng community pantry ang pamahalaang lungsod kasama na ang mga opisyal ng Barangay Teachers Village East na nakasasakop sa lugar.
Huli na nang magpadala ng kanilang mga tauhan ang barangay kung kailan pagkahaba-haba na ng pila na dumadagsa sa community pantry. Kung tutuusin, ilang metro lang pala ang layo ng barangay hall sa lugar kung saan pumipila ang marami nating kababayan.
Paano yung social o physical distancing? Paano yung iba pang mga health protocol na dapat ay ma-obserbahan? Ang hirap sa liderato ng pamahalaang lungsod ng QC, hinihintay nyo kasi munang magkagulo at magkahawaan bago kayo kumilos at umaksyon.
So, heto na naman! Paging Mayor Joy Belmonte na naman tayo. Madam Mayor, masyado bang malaki ang QC na pinamumunuan mo para hindi mo mamonitor ang mga kaganapan sa paligid? Teka, hindi ba’t ang Kalye Maginhawa ay ilang kanto lang din ang layo sa City Hall?
Kaya siguro hindi makaalis sa pagiging hotspot at epicenter ng COVID-19 ang QC ay dahil sa kabagalan ni Mayora na kumilos at tumugon sa mga concerns ng mga taga-lungsod?
Lumabas din po kasi kayo ng City Hall kapag may time para makita naman ninyo ang tunay na sitwasyon. Puntahan po ninyo ang iba’t ibang barangay hall, makikita nyo dun na mas marami ang nakapila para sa ayuda kaysa sa mga gustong magpabakuna.
Isa pa sa pagiging huli ni Mayora ay ang pagbibigay ng proteksyon dito kay Non na sa kaniyang kapasidad ay boluntaryong tumutulong sa mga nangangailangan.
Nakakalungkot isipin na tumutulong na nga, ihaharas ka pa ng pulis QC at pagkatapos ay pararatangan pa na miyembro ng makakaliwang grupo.
Bagaman agad naglabas ng mensahe si Mayora Belmonte tungkol dito pero sana ay hindi na umabot sa ganung sitwasyon dahil ang naapektuhan ay hindi lang si Non kundi maging ang mga residenteng umaasa sa kaniyang community pantry.
Napilitan si Non na isara ang kaniyang pantry dahil sa pangamba sa harassment sa kaniya ng pulisya.
Umaasa tayo na marami pa ang uusbong at madidiskubreng uri ng bayanihan. Sana lang kapag bawat mamamayan na ang nagtutulungan ay suportahan agad-agad ng pamahalaan. Hindi yung naghihintay lang ng kredito ang mga nakaupo sa pwesto at saka lang magtatrabaho kapag may nakatutok na camera o kaya ay sumusunod na media.
Kapit Lang tayo dahil matatapos din ang pandemyang ito!
295 